ISANG guro sa pampublikong paaralan ang inaresto sa Guiguinto, Bulacan, nitong Miyerkoles ng umaga, 16 Setyembre 2026, dahil sa maraming bilang ng pamemeke ng mga dokumento at estafa.
Nahuli ng magkasanib na puwersa ng Pantabangan Municipal Police Station (MPS) at Guiguinto MPS ang 55-anyos akusado dakong 1:30 ng umaga sa bisa ng warrant of arrest na inilabas nitong 11 Setyembre 2026, ni Judge Michael Benedick V. Aleta ng Municipal Trial Court ng Pantabangan.
Sakop ng warrant ang limang kasong kriminal (Blg. 3312 hanggang 3316) sa paggamit ng mga pekeng dokumento at estafa sa ilalim ng Revised Penal Code.
Piyansang ₱18,000 ang ipinataw sa akusado para sa bawat bilang ng kinakaharap na kaso.
Matapos sampahan ng patong-patong na kaso sa Pantabangan ay nagtago ang suspek sa Guiguinto kung saan siya naaresto.
Ikinulong ang akusado sa Pantabangan MPS Female Custodial Facility habang hinihintay ang pagbabalik ng kaso sa korte. (MICKA BAUTISTA)
