INARESTO ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang 34-anyos senior bank teller matapos matuklasan na nawawala ang P4,399,838.74 sa account ng isang depositor sa isang banko sa C. Raymundo Ave., Barangay Rosario, Pasig City noong 14 Setyembre.
Batay sa ulat na tinanggap ni NCRPO Director PBGen. Christopher Abrahano, nadiskubre ang anomalya nang beripikahin ng depositor ang P46,000 interest payment na umano’y idineposito ngunit hindi lumitaw sa kanyang account.
Sa pagsusuri sa statement of account ng depositor, nakita na mula sa inaasahang balanse na P5 milyon ay P600,161.26 na lamang ang natitira, dahilan upang agad magsagawa ng internal inquiry ang pamunuan ng banko.
Lumilitaw na matagal nang tumutulong umano ang teller sa mga transaksiyon ng depositor.
Sa isinagawang internal hearing, umamin ang teller na siya ang kumupit sa pera at nameke ng specimen signature ng depositor para maisagawa ang mga hindi awtorisadong withdrawal.
