APAT NA ‘ALIEN’ ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division sa magkakahiwalay na operasyon sa Rizal, Quezon City, at Mandaluyong City noong 7 Setyembre dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga batas ng imigrasyon sa Filipinas.
Sinabi ni BI Intelligence Division chief, Fortunato S. Manahan, Jr., ang unang operasyon ay isinagawa sa Cainta, Rizal, alinsunod sa Mission Order No. 2026-324 na inilabas noong 4 Setyembre.
Sa nasabing mission order, inaresto ang dalawang Indian national na sina Lamber Singh, 43 anyos, at Ranjodh Singh, 27, kapwa mga mamamayang Indiano.
Si Lamber ay sinabing kuwestiyonableng nakakuha ng resident visa, habang si Ranjodh ay itinuturing na undocumented alien. Pareho silang naiulat na sangkot sa mga aktibidad na ‘5/6 lending’.
Samantala, sa Fairmont Park Subdivision sa Quezon City, inaresto ng BI agents si Kulwinder Singh Gill, 36, Indian national, tinukoy na nagpapautang rin ng ng 5/6 at idineklarang undocumented alien nang makansela ang kanyang visa.
Nadakip ang Iranian national na si Saeid Bahadoran Baghbaderani, 33, sa Sto. Cristo, Highway Hills, Mandaluyong City, batay sa Mission Order No. 2026-325 na sinabing may paglabag sa maling representasyon sa kanyang dating work visa, hindi kanais-nais na paggamit, at hindi pagbibigay-alam sa BI tungkol sa kanyang pagbabago ng tirahan.
