‘Nawawalang’ kapitan ng MV June Aster ‘lumutang na’ — PCG

MV June Aster fire

SINABI ng Philippine Coast Guard (PCG) na buhay at nagpakita na ang kapitan ng nasunog na MV June Aster na unang napabalitang nawawala matapos ang insidente.

Inihayag ng PCG, boluntaryong humarap si Captain Roel Sarmiento sa tanggapan ng Atienza Interisland Inc., ang operator ng MV June Aster sa Palawan noong Lunes, limang araw matapos maganap ang trahedya sa karagatang sakop ng Coron.

Kaagad iniulat ang pagdating ng kapitan sa Emergency Operations Center, at nagtungo sa tanggapan ng PCG kasama ang isa sa mga opisyal ng vessel operator.

“Captain Sarmiento was accompanied by Mr. Dindo Macalinao, HR General of Atienza Interisland Ferries Inc.,” pahayag ng PCG.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, si Sarmiento ay nakatakdang isailalim sa imbestigasyon ng mga awtoridad upang makalap ang detalye hinggil sa trahedya.

“Investigators are scheduled to gather information from Captain Sarmiento regarding the circumstances surrounding the incident, including his whereabouts following the fire and what transpired before his appearance yesterday, five days after the tragedy at sea,” aniya.

Matatandaang Miyerkoles, 9 Setyembre nang tupukin ng apoy ang MV June Aster habang naglalayag patungo sa Coron mula sa Maynila, na ikinasawi ng 76 pasahero.

Sa pagsulpot ni Sarmiento, umakyat sa 44 ang bilang ng mga nakaligtas sa sunog habang bumaba sa 12 ang mga pasaherong patuloy na pinaghahanap.

Si Sarmiento ay unang iniulat na nawawala nang hindi matagpuan sa isinasagawang search and rescue, at retrieval operation sa barko.