NAGWAKAS ang buhay ng isang 37-anyos ina sa kamay ng sariling ama nang siya ay sakalin hanggang mamatay sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Laur, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Linggo ng hapon, 13 Setyembre.
Sa ulat na ipinadala ni P/Maj. Zandrew Tipay, hepe ng Laur MPS, kay P/Col. Ritchie Claravall, provincial director ng Nueva Ecija PPO, kinilala ang biktimang si Aprilyn Aquino, 37 anyos, may asawa, nakatira sa Barangay 11, sa naturang bayan.
Ang suspek ay kinilalang si Frederick Bermudez, 60 anyos, may asawa, isang jeepney driver, at nakatira sa Barangay Canantong, Laur.
Sa ulat, nabatid na personal na nagtungo sa himpilan ang suspek dalong 5:10 ng hapon at iniulat na napatay niya ang kaniyang sariling anak sa pamamagitan ng pagsakal kasunod ng kanilang matinding pagtatalo.
Napag-alamang madalas magtalo ang mag-ama sa maraming bagay at sa kunsumisyon ng ama sa anak ay nagawa na niya itong patayin.
Agad nagtungo sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang mga tauhan ng Laur MPS upang magsagawa ng imbestigasyon.
Matapos nito, sinuri ng Laur Rural Health Unit (RHU) ang biktima at opisyal na idineklarang dead on-the-spot.
Humingi ng tulong ang mga pulis sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa pag-aasikaso at pagsusuri ng crime scene.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang malaman ang kabuuang sitwasyon at iba pang impormasyon na may kinalaman sa insidente. (MICKA BAUTISTA)
