Mangingisda binugbog ng mayor, 3 pulis dawit

National Police Commission Calabarzon

NASA hot water ngayon ang tatlong miyembro ng San Nicolas Police Station na idinawit sa ilegal na pag-aresto sa isang mangingisda na sinabing ginulpi ng kanilang mayor sa Batangas dahil sa kasong pagnanakaw.

Ayon kay National Police Commission-Calabarzon regional director, Owen De Luna, iimbestigahan ang partisipasyon ng tatlong pulis sa ulat na nakarating sa kanilang  tanggapan kaugnay sa sinabing panggugulpi ng alkalde sa isang lalaki sa San Nicolas, Batangas noong 26 Agosto 2026.

“Magsasagawa kami ng kinakailangang validation at makikipag-ugnayan kami sa magkabilang panig kasama ang mga akusadong pulis,” pahayag ni De Luna.

Nauna rito, isang 33-anyos mangingisda na kinilalang si Jeric Mateo ang sinampahan ng kasong pagnanakaw ng copper wire sa truck na pag-aari ni San Nicolas, Batangas Mayor Lester De Sagun.

Sinabi ni Mateo na siya ay binugbog ng alkalde sa loob ng himpilan ng pulisya bago ikinulong ng mga pulis.

Bukod sa pananakit, sinabing sinubukan pang taniman ng droga si Mateo ngunit siya ay pinalaya ng piskalya matapos ang paunang imbestigasyon nang makitaan ng kaduda-dudang ebidensiya at sa iregularidad sa pagdakip sa kanya bago ikinustodya sa police facility.