HUMANTONG sa pagdakip sa isang babae at pagkompiska sa 150 piraso ng iba’t ibang foam mattress na tinatayang nagkakahalaga ng P700,000 ang ikinasang buybust operation ng mga awtoridad sa isang bodega sa bayan ng Plaridel, lalawigan ng Bulacan.
Pinangunahan ng mga tauhan ng CIDG Bulacan Provincial Field Unit, kasama ang mga kinatawan mula sa Department of Trade and Industry (DTI), at Plaridel MPS ang operasyon kaugnay ng paglabag sa RA 7394 o Consumer Act of the Philippines sa Barangay Sipat, sa nabanggit na bayan.
Sa ulat na nakarating kay P/Maj. Gen. Robert Morico II, direktor ng CIDG, nakasaad na ang babaeng suspek ay nahuli habang nagbebenta at nagnenegosyo ng mga foam mattress na hindi sumusunod sa mga minimum na kinakailangan sa paglalagay ng label, at mga pamantayan para sa mga produktong pangkonsumo na itinakda ng DTI.
Binigyang-diin ng Direktor ng CIDG na pinoprotektahan ng estado ang interes ng mga mamimili, itinataguyod ang kanilang pangkalahatang kapakanan, at nagtatatag ng mga pamantayan ng pag-uugali para sa negosyo at industriya.
Sa ilalim ng Seksiyon 77 (Minimum Labeling Requirements) ng RA 7394, ipinag-uutos na ang lahat ng mga produktong pangkonsumo na ibinebenta sa Filipinas ay dapat mayroong transparent at traceable na mga label — rehistradong pangalan at address ng tagagawa o importer; bansang pinagmulan; petsa ng paggawa at mga tag ng komposisyon ng hilaw na materyales.
Kung wala ito, ang produkto ay inuuri bilang ilegal dahil kung ang isang mamimili ay magkasakit o mapinsala mula sa produkto, walang paraan upang masubaybayan kung sino ang gumawa nito o kung sino ang dapat managot.
Samantala, pinuri ng pamunuan ng CIDG si P/Col. Grant Gollod, hepe ng CIDG Regional Field Unit 3 at ang CIDG Bulacan Provincial Field Unit na pinamumunuan ng Provincial Officer nitong si P/Maj. Domingo Resma, Jr., para sa mahusay na operasyon sa kalakalan ng mga produktong pangkonsumo na hindi sumusunod sa batas. (MICKA BAUTISTA)
