‘Mass grave’ ipinahukay biktima ng ferry fire ‘pansamantalang’ ihihimlay
 41 bangkay pa narekober

mass grave Coron palawan MV June Aster

HATAW News Team

ISANG ‘mass grave’ ang ipinahukay ng pamahalaang lokal ng Coron Municipal Office para sa pansamantalang paglilibingan ng mga bangkay na hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan mula sa nasunog na M/V June Aster sa naganap na trahedya sa karagatan sa Palawan noong Miyerkoles, 9 Setyembre.

Matapos lumobo sa 76 katao ang naitalang death toll nang marekober ang karagdang 41 bangkay, habang 43 katao ang nasagip, 30 dito ang mga pasahero kabilang ang dalawang Chilean national at 13 ang tripulante habang 13 ang nawawala.

Ayon sa pamahalaang lokal, naglagay sila ng makeshift laboratory sa Borac Port kung saan gagawin ng PNP Scene of the Crime Operations (SOCO) team ang pagpoproseso sa mga narekober na labi upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Sa pahayag ni Kim Ablana, spokesperson ng pamahalaang lokal ng Coron, mayroon na silang na-establisang sistema para sa inisyal na pagkakakilanlan sa mga narekober na bangkay.

Ayon kay Ablana, ipinatutukoy na sa mga pamilya ang mga kagamitan tulad ng mga alahas, palatandaan sa ngipin na maaaring mapagkakilanlan ng kanilang kaanak na nawawala mula sa mga labi na narekober.

Kung ang mga labi ay nakilala sa inisyal na mga larawan na ipakikita sa kanilang pamilya at kamag-anak, saka sila papupuntahin sa Borac Port para sumailalim sa proseso ng DNA samples na ima-match sa mga narekober na labi.

Samantala, ang mga makokolektang samples ay dadalhin sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame sa Quezon City para maisailalim sa DNA testing at ang resulta ay inaasahang tatagal nang tatlong linggo.

Habang hinihintay pa ang resulta, ang mga bangkay ay pansamantalang ililibing sa mass grave at mananatili roon kung wala nang magki-claim.