Kapag unauthorized absences
‘NO-WORK, NO-PAY’ RULE SA SENADO IKINOKONSIDERA

091426 Hataw Frontpage
091426 Hataw Frontpage

HATAW News Team

PUWEDE nang pormal na ipatupad ng Senado ang “no-work, no-pay” rule para sa mga miyembrong lumiliban nang walang pahintulot, kasunod ng matagal na ‘pagtatago’ ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo.

Sinabi ni Lacson, bagama’t kusang-loob nang hindi tumatanggap ng suweldo at allowance si Dela Rosa mula Nobyembre 2025, mas mainam na amyendahan ang patakaran ng Senado upang maging opisyal ang suspensiyon ng sahod sa mga unauthorized absences.

“Pag unauthorized na ang absence, dapat hindi parang self-imposed lang. Dapat official na mayroong sulat sa Land Bank, sa Treasury, na isu-suspend ang suweldo,” paliwanag ni Lacson sa DZBB.

Bukod sa ilang araw noong Mayo, hindi na pumasok si Dela Rosa sa Senado mula Nobyembre 2025. Umalis siya sa loob ng compound ng Senado habang nagaganap ang insidente ng pamamaril noong 13 Mayo.

Dati nang ‘nagtatago’ si Dela Rosa nang maglabas ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban sa kanya.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi na nagpaparamdam si Dela Rosa kung nasaan na siya.