Filipiñana, 58th, at Agapito pinili bilang mga opisyal na lahok ng Pilipinas sa 2027 Oscars

Filipiñana 58th Agapito

ANG premyadong pelikulang Filipiñana ang napili bilang opisyal na kalahok ng Pilipinas sa ika-99 Academy Awards na kilala rin bilang Oscars kasama ang dalawa pang pelikula sa magkakahiwalay na kategorya.

Inanunsiyo ito ni Paolo Villaluna, director general ng Film Academy of the Philippines, noong Linggo sa SMX Convention Center,

Ang Filipiñana, ay idinirehe ni Rafael Manuel na isasabak sa kategoryang Best International Feature Film.

Bukod sa Filipiñana,” napili rin bilang official entries ang 58th at Agapito para sa Best Documentary Feature at Best Live Action Short Film categories.

Ang Filipiñana ay ukol sa kwento ni Isabel, isang 17-anyos na dalagang Ilokana na nagtatrabaho sa isang eksklusibong golf at country club sa labas ng Maynila. Tinatalakay ng pelikula ang mga pagkakahati sa lipunan at ang dinamika ng kapangyarihan sa loob ng nasabing eksklusibong club.

Ito ay ipinrodyus nina Jeremy Chua, Alex Polunin, Bianca Balbuena, Bradley Liew, Nadia Turincev, Omar El Kadi, Manuel, at ng aktres producer na si Sylvia Sanchez ng Nathan Studios.

Ang 58th na idinirehe ni Carl Joseph Papa at ipinrodyus ni Nessa Valdellon ay isang animated na documentary-drama tungkol sa Maguindanao massacre noong 2009.

Sinusundan nito ang kwento ng photojournalist na si Reynaldo Bebot Momay na kinilala bilang ika-58 biktima ng masaker at ang mga labi ay hindi kailanman natagpuan sa pamamagitan ng pananaw ng kanyang anak na babae.

Ang Agapito na mula sa direksiyon nina Arvin Belarmino at Kyla Danelle Romeroat ipinrodyus nina Jon Galvez, Carlos Ortiz, at Mick Quito ay isang maikling pelikula na ang tagpuan ay isang duckpin bowling alley na unti-unti nang nawawala sa eksena.

Sinusundan ng 15-minutong pelikula ang mga “pin setter” nito sa huling araw ng buwan habang naghahanda sila para sa pagdating ng isang espesyal na bisita. Ito ay unang ipinalabas bilang bahagi ng kompetisyon sa 2025 Cannes Film Festival.

Ang ika-99 Academy Awards ay gaganapin sa March 14, 2027 at inaasahang maiuuwu ng Pilipinas ang parangal sa kategoryang Best International Feature Film. 

Ang pelikula ni Lav Diaz na Magellan ang isinumiteng entry ng Pilipinas noong isang taon sa ika-98 Academy Awards ngunit nabigong makapasok sa opisyal na “shortlist” ng Academy.       (MValdez)