OLONGAPO CITY – Pinulbos ng Team Japan ang mga karibal matapos mag-uwi ng anim na gintong medalya sa 2026 NTT Asia Triathlon Para Championship nitong Linggo sa Subic Bay Freeport Zone.
Nanguna si Keiichi Sato sa men’s PTS5 (mild impairment) matapos gawing duathlon ang kompetisyon dahil sa malakas at matagal na ulan na nagdulot ng delikadong kondisyon ng tubig sa Subic Bay.
Tinapos ni Sato ang 2.5-kilometrong takbo at 20-kilometrong bisikleta sa oras na 1 oras, 1 minuto at 8 segundo, sapat para lampasan ang kababayang si Takumi Ando (1:03:56) at Bakhtiyor Murtazayev ng Uzbekistan (1:05:01).
Sa Waterfront Road nagsimula at nagtapos ang karera.
“Ang kahinaan ko ay swimming. Mahilig ako sa pagtakbo at pagbibisikleta kaya malaking bentahe ito para sa akin,” pahayag ng 47-anyos na si Sato na tubong Nagoya, Japan, na siyang magiging punong-abala sa 20th Asian Games.
Target din ni Sato na makasali sa mas maraming torneo upang makakuha ng kwalipikasyon sa 2028 Los Angeles Paralympics.
Noong 2016 Rio de Janeiro Paralympics sa Brazil, nagtapos si Sato sa ika-11 puwesto.
Kasama ring naghari para sa Japan sina Yukako Hata (women’s PTS2), Masaki Fujita (men’s PTS3), Hideki Uda (men’s PTS4), Ryota Kashiki (men’s PT Visually Impaired) at Shiori Funamizu (women’s PT Wheelchair).
Ang torneo ay inorganisa ng Triathlon Philippines sa pamumuno ni TriPhil President at Asia Triathlon Senior Vice President Tom Carrasco Jr. at sa pakikipagtulungan ng Subic Bay Metropolitan Authority.
Nagkampeon din sina Rustamjan Satiboldiyev ng Uzbekistan (men’s PTS2), Shokhsanam Sobirjonova ng Uzbekistan (women’s PTS5), at Guinaz Zhuzbaeva ng Kyrgyzstan (women’s PT Visually Impaired). (TriPhil/HNT)
