GUMAWA ng kasaysayan si Papatchaya Phontham ng EST Cola noong Martes ng gabi matapos maging kauna-unahang Most Valuable Player (MVP) ng Premier Volleyball League (PVL) mula sa isang guest team.
Ang 20-anyos na si Phontham, na inaasahang lalo pang gagaling sa mga susunod na taon, ang nanguna sa Thai squad sa pagkopo ng kampeonato sa 2026 PVL Invitational Conference matapos talunin ang Nxled Chameleons sa gold medal match sa SMART Araneta Coliseum.
Naging ikalawang guest team lamang ang EST Cola na nagkampeon sa torneo, kasunod ng Kurashiki Ablaze na naghari noong 2023.
Nagtala si Phontham ng 97 puntos matapos ang preliminary round, ikalawa sa scoring, mula sa 84 attacks, pitong aces at anim na blocks. Siya rin ang ikatlong pinakamabisa sa spiking na may 35.74 porsiyentong efficiency.
Pang-apat naman siya sa service category sa average na 0.37 aces bawat set, dahilan upang maiuwi rin niya ang parangal na Best Opposite Spiker.
Samantala, sina Jonah Sabete-Escamillan ng Nxled at Savi Davison ng PLDT ang itinanghal na Best Outside Spikers.
Nanguna si Davison sa scoring matapos ang preliminary round sa 135 puntos, habang pangalawa sa spiking efficiency sa 37.97 porsiyento at ikaanim sa blocks na may 0.65 bawat set.
Naging sandata rin niya ang depensa, matapos umangat sa ikaanim sa reception efficiency na 41.92 porsiyento at ikapito sa digs na may 3.00 bawat set.
Si Escamillan naman ay nagtala ng 84 puntos, sapat para sa ikalimang puwesto sa scoring. Panglima rin siya sa blocks na may 0.65 bawat set at aces na 0.35 bawat set, habang pangatlo sa reception efficiency sa 47.62 porsiyento.
Ikatlong beses nang napili si Davison sa naturang parangal, habang unang All-Premier Team recognition naman ito para kay Escamillan.
Itinanghal naman sina Creamline’s Jaja Santiago-Minowa at Nxled’s MJ Phillips bilang Best Middle Blockers.
Kapwa naging epektibo ang dalawa sa opensa. Nagtala si Minowa ng 92 puntos para sa ikatlong puwesto sa scoring, habang may 79 puntos si Phillips para sa ikapito.
Ikalawang positional award na ito ni Minowa matapos manguna sa buong liga sa blocks na may 18. Samantala, 14 blocks naman ang naitala ni Phillips sa kanyang ikatlong All-Premier Team appearance.
Kumumpleto sa mga awardee sina Nxled’s Gel Cayuna, na nakamit ang kanyang ika-anim na Best Setter award, at PLDT’s Kath Arado, na nakuha ang kanyang ika-pitong Best Libero selection.
Pangatlo si Cayuna sa setting na may 5.50 assists bawat set, habang nagtapos siyang ika-30 sa scoring na may 27 puntos.
Samantala, pinangunahan ni Arado ang digging category sa average na 5.70 bawat set—malayo sa 3.43 average ng pumangalawang manlalaro. (PVL/HNT)
