Mga horror, mystery, thriller na pelikula ngayong linggo, ginawaran ng ratings ng MTRCB

MTRCB Lala Sotto Bobby Andrews Johnny Revilla

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

ANG mga pelikulang horror, mystery at thriller ang pagpipilian ng mga manonood matapos ilabas ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang ratings para sa walong pelikulang palabas ngayong linggo.

Ayon kay MTRCB Chair at CEO Lala Sotto, ang panonood ng pelikula ay hindi lamang bonding moment, kundi pagkakataon din para sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak. “Karamihan sa mga pelikula ay rated PG (Parental Guidance), kaya asahan ang mas maraming pamilya na dadagsa sa ating mga sinehan,” sabi ni Sotto.

Dagdag niya, “Lagi namin pinapaalalahanan ang ating mga magulang na tingnan muna ang MTRCB ratings upang makaseguro na ang sine ay angkop sa edad at antas ng pag-intindi ng kanilang mga anak.”

Dalawa sa mga pelikulang palabas ay likhang Filipino. Ang “Poon (The Hallowed)” isang mystery drama, ay rated R-16. Tampok dito sina Gina Pareño, Janice de Belen, Lotlot de Leon, Allen Dizon, Kelvin Miranda, at Will Ashley.

Tinukoy ng MTRCB sa pelikula ang “graphic but non-gratuitous depiction of horror, frightening scenes and gore, graphic but non-gratuitous depiction of violence and gore and non-graphic depiction of sexual activity.” Bukod dito, ang “over-all theme and messages in the movie – sexual abuse, incest, false religious beliefs, implied suicide, murder, supernatural sequences” ay mas angkop sa mga nakatatandang manonood.

Pinagbibidahan naman nina Bela Padilla at Maricel Soriano ang “Life After You”. Ito ay rated PG dahil sa mga “mature themes and emotionally charged scenes involving family relationships, motherhood, responsibility and conflict” nito.

Ang romantic fantasy film na “Practical Magic 2” naman ang inaabangang sequel ng 1998 na sine na “Practical Magic”.  Ito ay rated PG at bida rito sina Sandra Bullock at Nicole Kidman.

Sabi ng Ahensiya, ang pelikula ay may “fantasy violence, supernatural horror elements, magical rituals and emotionally intense scenes” na maaaring nakababahala sa mga batang manonood. Ito rin ay may mild frightening scenes at supernatural imagery, bukod sa fantasy violence at pagtutuos ng mga character gamit ang witchcraft at supernatural abilities.

“Imitable behavior is limited to fictional depictions of spell-casting and magical rituals presented within a fantasy context. The suspenseful sequences and mature thematic material are suitable for teenagers and adults but may not be appropriate for younger children,” sabi ng MTRCB.

Matutuwa naman ang mga anime otaku sa pinakabagong installment ng “Detective Conan” franchise. Rated PG ang “Detective Conan: Fallen Angel of the Highway,” na eksklusibong mapapanood sa SM Cinemas. Tampok dito ang mga boses nina Minami Takayama at Wakana Yamazaki.

Nakapaloob sa anime feature ang mystery, mga imbestigasyon ng krimen, loss, responsibilidad, at paghihiganti na inilahad sa paraang maiintindihan ng mga batang manonood. Sabi ng MTRCB, ang ilang pagtukoy sa kamatayan at pagdadalamhati ay kailangan ng gabay ng magulang.

Ang sine ay may maaksiyong eksena ng high-speed motorcycle at vehicle chases, mga banggaan, pagsabog, pagpapaputok ng baril, mga banta, sandata at hand-to-hand fighting. Dapat payuhan ang mga bata na ang mga ganitong eksena ay “fictional and performed for entertainment.”

Ang “Fall 2,” isang thriller, ay rated PG. Bida rito sina Harriet Slater, Arsema Thomas, Virginia Gardner, at Tom Brittney. Sabi ng Ahensiya, dapat paalalahanan ang mga bata na huwag gawin ang mga mapanganib at daredevil stunts sa pelikulang ito.

Ang “Cahim,” isang Turkish horror film, ay rated R-13 dahil sa “horrific, fear-inducing scenes, supernatural violence, occult practices, and disturbing thematic elements of witchcraft and curses and demonic entities” nito.

Samantala, rated R-13 ang 2024 thriller action movie na “Run Baby Run.” Bida rito sina Catuxa Leira, Cody Cowell, at Oscar Foronda. Ito ay eksklusibong ipapalabas sa Megaworld Cinemas. Kuwento ito ng isang runner at ang kanyang conflict sa isang misteryosong mamamatay-tao at iba pang lunatic na character. Sabi ng MTRCB, ang infrequent at non-graphic depiction ng karahasan at paghihirap ay maaaring hindi angkop sa mga edad 13 pababa.

Ang “It Ends,” isang horror na pinagbibidahan nina Phinehas Yoon, Akira Jackson, Noah Toth at Mitchell Cole, ay rated R-13 at eksklusibong mapanonood sa SM Cinemas. May mature itong tema at pervasive language, samantala ang karahasan nito ay “more psychological than physical.” Maaaring mabigat ang mga ito para sa mga edad 13 pababa.

Ang G o General Audience ay para sa lahat ng edad. Sa PG o Parental Guidance, kailangan may kasamang magulang o guardian ang batang manonood. Ang R-13 ay para sa edad 13 at pataas, samantala ang R-16 ay sa edad 16 at pataas. Ang R-18 naman ay sa mga nasa wastong edad lamang.