Maricel, Bella bardagulan sa akting; Ma-Ga nagpakilig

Maricel Soriano Bela Padilla

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

NAGANDAHAN kami sa istorya ng Life After You na pinagbibidahan nina Maricel Soriano at Bela Padilla

Nakatutuwa ang bardagulan nina Marya at Bela bilang lola ng pamangkin ni Bela si Maricel at byenan ng nag-iisa niyang kapatid.

Ito ang unang pagsasama sa pelikula ng Diamond star at ni Bela na ang kuwento ay sumesentro sa paghahanap ng tunay na kahulugan ng pagiging isang ina at pag-ako sa responsibilidad na bagama’t hindi mo inaasahan na darating iyon pero pinili mo pa rin saluhin. Ito ay tungkol sa pamilya, pagiging isang ina, pagkakaibigan at pagpapatawad. Kakaibang drama at tagos sa puso na istorya ang mapapanood sa Life After You.

Mula sa direksiyon ni Marla Ancheta na maayos nailahad at naipakita ang gustong ibida sa manonood. Ito yata iyong pelikulang habang nanonood kami eh super react ang aking mga katabing entertainment press. Hindi naming mapigilang hindi maglahad ng sariling reaction sa ipinakikita ng mga bida sa pelikula.

Nakaaantig na nakaiinis ang sitwasyong napuntahan kapwa nina Maricel na isang biyuda, ina, at lola na gagawin lahat para maprotektahan at mahalin ang pamilya sa paraang alam niya.

Si Bela si Joey, mapagmahal na kapatid, medyo happy go lucky pero isantabi ang sariling pangarap para maalagaan ang pamangkin.

Umikot ang istorya sa pagmamahal nila sa isang batang babae, si Denise (Dani Zee), pamangkin ni Joey na anak ng kapatid niyang si Dianne (Ryza Cenon), at apo ni Bella na anak naman ng unico hijo niyang si Carl (Marlo Mortel) pero hindi ito kinikilala.

Dito sa mga tagpong ito nanggagalaiti na kaming mga nanonood at tila gusto na naming harapin si Marlo para kami na ang makasampal sa kanya. For sure ito rin ang mararamdaman ng sinumang manonood.

Mabuti na lamang at medyo kumakalma kami dahil sa pa-cute ni Gardo Versoza na isang lay minister kay Maricel. Naku nagtitilian ang viewers sa pagpapa-cute nina Gardo at Maricel. Hindi pilit ang pagpapakilig ng dalawa. Nakatutuwa.

Kaya kung gusto ninyong makapanood ng magandang pelikula na tatatak sa inyong mga puso ito iyon, ang Life After You na palabas na sa mga sinehan simula ngayong araw.

Kasama nina Maricel at Bela sa pelikula ang mga talentadong aktor na magdadagdag ng bigat at emosyon sa inaabangang family drama. Sina Marlo, Ryza, Krissha Viaje, MJ Cayabyab , Andrea Babierra, Peach Caparas, Gardo, at Jerick Raval.

Abangan ang natatanging kuwento tungkol sa pamilya at sa kahulugan ng unconditional love. Huwag palamapasin ang isa sa pinakamalaking drama movie event ng taon. Ang Life After You, ngayong September 9 na!