MANILA — Mas lalong pinaiigting ng Philippine Football Federation (PFF) ang pagpapaunlad ng football sa mga rehiyon matapos ilunsad sa buong bansa ang RFA Youth League (RFA YL) na nilahukan ng mahigit 10,000 batang manlalaro mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Isinasagawa ng PFF sa pamamagitan ng 39 Regional Football Associations (RFAs), ang RFA YL para sa Under-11 at Under-13 age groups sa 8v8 football at futsal. Tatagal ang kompetisyon hanggang Nobyembre.
Kabuuang 618 koponan na ang lumahok sa inaugural nationwide competition, habang inaasahang madaragdagan pa ang mga koponang sasali ngayong Setyembre.
Pinakamarami ang mula sa Mindanao na may 268 koponan—130 sa U11 at 138 sa U13. Sinundan ito ng Luzon na may 225 koponan, 98 sa U11 at 127 sa U13, habang may 125 koponan ang Visayas—58 sa U11 at 67 sa U13.
Ipinapakita ng malaking bilang ng mga kalahok ang matinding interes sa regular na kompetisyon para sa kabataan at ang pagsisikap ng PFF na maibalik ang organisadong football sa mga komunidad sa buong bansa.
Hindi lamang nakatuon ang programa sa pagsasanay at panaka-nakang torneo. Sa pamamagitan ng RFA YL, nabibigyan ang mga batang manlalaro ng tuluy-tuloy na pagkakataong makipagkompetisyon, magkaroon ng karanasan at masukat ang kanilang kakayahan laban sa ibang manlalaro.
Ayon kay PFF President John Anthony Gutierrez, mahalaga ang pagbabalik ng mga youth competition sa pagbuo ng mas matatag at pangmatagalang football development pathway sa bansa.
“Layunin ng RFA Youth League na maibalik ang mga kompetisyon para sa kabataan sa mga komunidad at matiyak na ang mga batang manlalaro sa bawat rehiyon ay magkaroon ng organisado at patas na pagkakataong maglaro at mapansin,” ani Gutierrez.
“Binibigyan natin ang ating mga regional association ng mga kinakailangang kagamitan at suporta upang makapagsagawa ng regular na kompetisyon. Sa ganitong paraan, magkakaroon tayo ng mas malinaw na larawan sa mga bagong talento mula sa iba’t ibang panig ng bansa,” dagdag niya.
Pinatitibay rin ng RFA YL ang papel ng mga RFA bilang pundasyon ng football development system sa Pilipinas.
Dahil isinasagawa ang mga laro malapit sa mga lugar kung saan nakatira at nagsasanay ang mga kabataan, mas marami ang nabibigyan ng pagkakataong makaranas ng organisadong football. Kasabay nito, nabibigyan ang mga coach at regional association ng mas malaking pagkakataong matukoy at mapaunlad ang mga umuusbong na talento.
MALINAW NA LANDAS PARA SA MGA MANLALARO
Bahagi ang programa ng FIFA Talent Development Scheme (TDS) na naglalayong magbigay ng mas regular na pagkakataong makapaglaro ang mga kabataan at magtatag ng maayos na sistema para sa talent identification sa buong bansa.
“Binibigyan tayo ng TDS ng balangkas upang matiyak na hindi na lamang nakadepende sa pagkakataon ang pagtuklas ng talento,” pahayag ni Gutierrez.
“Sa pamamagitan ng RFA Youth League, mayroon nang regular na kompetisyon sa bawat rehiyon na maaaring pagkunan ng mga talento. Hindi na lamang tayo umaasa na makakahanap ng manlalaro—bumubuo tayo ng sistemang aktibong tumutuklas sa kanila,” aniya.
Ayon pa kay Gutierrez, ang disenyo ng liga, partikular ang mga kinakailangan sa pag-uulat at monitoring, ay nakatuon sa pagbuo ng pangmatagalang sistema sa halip na mga panandaliang programa.
“Binubuo natin ang kultura ng maayos na dokumentasyon, pagmamanman sa progreso ng mga manlalaro at koordinasyon sa pagitan ng mga RFA at ng national federation,” ani Gutierrez. (PSC/HNT)
