MATABIL
ni John Fontanilla
IBINAHAGI ng award-winning actress at producer na si Sylvia Sanchez na nasa proseso na sila na tinatapos ang documentary ng pelikulang I’mPerfect na humakot ng awards sa 2025 Metro Manila Film Festival hatid ng Nathan Studios at idinirehe ni Sigrid Andrea Bernardo.
Pero ang documentary ng pelikulang I’mPerfect ay ididirehe ng award-winning director na si Ditsi Carolino.
Ayon kay Ms Sylvia this time ay makikita at mapapanood ang puso ng pelikulang I’m Perfect sa docu gayundin ang hirap na pinagdaanan nina Krystel Go, Earl Amaba at ng buong cast nito para mapaganda ang pelikula.
Kuwento ni Ms Sylvia, “Bale ang ‘I’mPerfect Documentary’ in competition abroad tapos at saka natin ipalalabas dito sa Pilipinas while ‘yung movie naman from Philippines to abroad.
“Ang puso kasi rito, story ha, ito makikita kung paano naghirap, kung paano ginawa, kung paano lumabas na ‘yung mga batang may Down Syndrome ay nakagawa ng pelikula.
“So roon n’yo sila mas lalong hahangaan, at ang plano namin this year sa abroad ipalalabas ang docu at next year naman dito sa Pilipinas.”
Isa rin ito sa walong pinagpipiliang pelikula sa Pilipinas para sa Academy Awards o Oscars.
Bukod nga sa ginagawa nilang I’m Perfect docu, tatlong pelikula na co-production ng Nathan Studios ang nasa Busan International Film Festival sa Oktubre, ito ang Filipiñana, Nagi Notes, at Ria.
Napanood na sa Japan noong August 29 sa Shinjuku Piccadilly Cinema sa Tokyo, ang Nagi Notes na two years ago pa natapos.
“Ito ‘yung movie na co-produce ko with Momo Film Co of Singapore at mga producer sa Japan (Tokyo Garage, Survivance, Star Sands, Hassaku Lab). Ginawa namin ito two years ago na ngayon lang naipalabas,” pagbabahagi pa ni Sylvia.
Nakasama na rin ito sa main competition ng 2026 Cannes Film Festival noong May 13, 2026 na lumaban para sa Palme d’Or at Queer Palm at ngayon ay napapanood sa Japan.
“Nag-regular showing na at malakas siya, kumikita sa Japan at dadalhin dito sa Pilipinas at lalagyan ng sub title na English,” pagtatapos ni Ms Sylvia.
