ISANG gabi na puno ng saya at tawanan ang inaasahan sa Happy 4 All sa Singapore show ng kilalang Filipino stand-up comedian na si Alex Calleja sa Setyembre 19 (Sabado) sa Alliance Française de Singapour.
Bukod kay Alex, tampok din sa event ang mga comedian ng The Comedy Crew na sina Israel Buenaobra, Dawit Tabonares, at—sa kanilang debut sa Singapore—sina Jimberly Villanueva at Ramon Cabochan.
“Happy to celebrate another year on stage kasama ang mga kababayan natin sa Singapore. Sila ang unang makakapanood ng set ko for my third special na ire-release sa Netflix,” wika ni Alex, na bida sa katatapos lang na Netflix specials na Tamang Panahon (2025) at Past Is Past (2026).
Ang event ang magsisilbing opisyal na pagsisimula ng birthday comedy series ni Calleja, na magsasagawa rin ng five-theater tour sa Metro Manila mula Oktubre 2 hanggang 10.
Magsisimula ang Metro Manila tour sa Oktubre 2 sa The Music Museum sa Greenhills, na susundan ng pagtatanghal sa Oktubre 3 sa Insular Life Tanghalang Haribon sa Alabang.
Ipagdiriwang ni Calleja ang kanyang aktuwal na kaarawan sa Oktubre 7 sa Newport Performing Arts Theater sa Pasay, bago tapusin ang serye sa dalawang gabing finale sa Oktubre 9 at 10 sa Maybank Performing Arts Theater sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig.
Available na ang mga ticket para sa Happy 4 All sa Singapore sa eventbrite.sg, habang ang mga ticket para sa limang show sa Metro Manila ay mabibili sa ticketworld.com.ph. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang alexcalleja.com at thecomedycrew.com.
