Yul Servo nasa Venice International filmfest, humahataw bilang metal sculptor  

Yul Servo Louie Ignacio Jao Mapa

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

NASA Venice International Film Festival ngayon ang award-winning actor na si Yul Servo para sa kanilang pelikulang “Makikiraan Po” (Let Us Through, Dear Ancestors).

Ito’y mula sa pamamahala ng internationally acclaimed filmmaker na si Direk Lav Diaz at tampok din dito sina Christian Bables, Ronnie Lazaro, Bart Guingona, Isabel Sandoval, Bong Cabrera, Rafa Siguion-Reyna, Sri Arjhay Babon, Necias Pataunia, at Daniel Palisa. 

Nabanggit ni Yul na nagandahan siya sa pelikulang ito dahil kakaiba ang kuwento.

Aniya, “Naakit ako sa proyekto dahil may lalim ang kuwento nito tungkol sa alaala, kasaysayan, at sa mga taong nauna sa atin. Para sa akin, ang pelikula ay hindi lang tungkol sa pagkukuwento, minsan, tungkol din ito sa pag-alala sa mga bagay na hindi natin dapat kalimutan.” 

Pahayag pa ng aktor, “Para sa akin, ang pelikula ay isang paraan ng pakikinig. Binibigyan tayo nito ng pagkakataong makapasok sa buhay ng ibang tao. At habang inuunawa natin ang buhay ng iba, mas nauunawaan din natin ang ating mga sarili.”

Ano ang kahulugan sa kanya ng pelikulang Let Us Through, Dear Ancestors?

Tugon ni Yul, “Para sa akin, parang pag-uusap ito ng kasalukuyan at nakaraan. Ang ating mga ninuno ay hindi lamang mga taong nauna sa atin. Kasama rin nila ang mga alaala, kasaysayan, at mga sugat na dala natin hanggang ngayon.”

Paano siya naghanda para sa karakter niya rito?

“Sinubukan kong huwag masyadong pilitin ang karakter. Nakinig ako, sa sitwasyon, sa mga kasama kong artista, at sa mundong binuo ng direktor. Natutunan ko na minsan, mas kaunti ang ginagawa ng artista, mas maraming pagkakataon na makapagsalita ang karakter.”

Ano ang karanasan niya sa pagtatrabaho kasama si Direk Lav Diaz?

“Tinuruan ako ni Direk Lav nang pagtitiis at paglalaan ng oras sa isang eksena. Sa kanyang paraan ng paggawa ng pelikula, natututo kang huwag magmadali. Minsan kailangan mong manatili sa isang sandali para maramdaman at maintindihan mo talaga ito.”

Mula sa pagiging artista, pumasok siya sa politika. Paano nakaapekto iyon sa kanyang pagiging artista?

“Malaki ang ipinagbago ng pananaw ko sa tao. Noong artista ako, ginagampanan ko ang iba’t ibang buhay. Nang pumasok ako sa serbisyo publiko, nakita ko ang tunay na buhay ng mga tao, ang kanilang problema, pangarap, at pakikibaka. Nang bumalik ako sa sining, dala ko na ang lahat ng karanasang iyon.”

Saan niya inilalagay ang sarili ngayon, bilang artista, lingkod-bayan, o visual artist?

Esplika ni Yul, “Naging lahat ako ng mga iyon sa iba’t ibang yugto ng buhay ko. Pero sa ilalim ng lahat ng iyon, isa akong taong patuloy na naghahanap at lumilikha. Bawat yugto ng buhay ko ay naging bahagi ng aking pagiging artista.” 

Sinabi rin niya kung bakit siya bumalik sa pag-arte. 

“Sa totoo lang, hindi ko nararamdaman na tuluyan akong umalis sa sining. Dumaan lang ako sa ibang yugto ng buhay, at nang bumalik ako, hindi na ako ang parehong taong umalis. Mas marami na akong karanasan, mas marami akong nakita, at iyon ang dala ko ngayon sa aking sining.” 

Anyway, makikita ang ilang obra ni Yul ngayong September sa Vienna, Austria, sa group exhibit para sa international audiences sa kanyang sculptural talent na nag-uugat sa cartography, memory, at contemporary metal art.

Bukod sa mga naka-line up na art exhibits ng mahusay na aktor, marami rin ang nagpapagawa nang pasadyang metal art work kay Yul, kabilang na rito ang kaibigan at kumpareng si Piolo Pascual.

Incidentally, last Monday ay opening night ng 6th Bilog Exhibition 2026 at ito ay tatagal hanggang September 15, 2026. Makikita ang exhibit sa Art Center, 4th floor SM Megamall.

Maraming artist ang kasama sa exhibit na ito, tatlo ay mula sa mundo ng showbiz. Sila ay sina Direk Louie Ignacio, Jao Mapa, at Yul Servo Nieto.

Bisitahin ang nasabing gallery sa SM Megamall upang makita ang mga magaganda at kakaibang obra ng mga mahuhusay na artist na nakibahagi rito.