Mga bida sa Life After You walang overacting, Marlo nakasusuklam

Marlo Mortel Life After You

RATED R
ni Rommel Gonzales

NAGUSTUHAN namin ang pelikulang Life After You nina Diamond Star Maricel Soriano at Philippine Cinema’s Queen of Hearts Bela Padilla.

Napanood namin ang movie sa red carpet premiere nito Lunes ng gabi, September 7 sa Cinema 2 ng SM Megamall. 

Maayos ang pagkakalahad ng director/ writer ng pelikula na si Marla Ancheta.

Naipakita niya simula umpisa hanggang katapusan ang kuwento ng tatlong babae, si Ryza Cenon ang pangatlo, pati na rin ang buhay sa isang bata na ginampanan ng child actress na si Dani Zee.

At kung napaka-cute at nakakikilig dito ang si Gardo Versoza, nakasusuklam at nakagagalit naman ang karakter ni Marlo Mortel sa istorya, gusto nga namin siyang hanapin right after the premiere para talakan. Ha! Ha! Ha!

Pati look ni Marlo, bumagay sa karakter niya.

Overall, natuwa kami na walang nag-overacting sa pelikula, hindi nagbardagul sa pag-arte si Marya at hindi rin kinailangang mag-effort ni Bela na huwag siyang lamunin sa aktingan ng Diamond Star. 

Sa confrontation scene nga nila, kahit alam mong ginalingan nila ang pag-arte ay chill at relaxed lamang ang batuhan nila ng linya kahit mararamdaman mo ang poot at emosyon nilang pareho.

Mahusay na naitawid nina Marya at Bela, at ng buong cast, sa tamang timpla ang mga tauhang ipinagkatiwala ng Viva Films sa kanila sa pamamagitan ng pelikula.

Palabas na ngayon sa mga sinehan ang Life After You at nananalig kami na kikita ito, sulit naman ang ibabayad sa takilya para panoorin ang pelikulang ito.