PAO Chief Acosta urong-sulong pagpasok sa politika

Atty Persida Rueda Acosta PAO

HARD TALK
ni Pilar Mateo

SA ilang pagkakataong nakaharap at nakadaupang-palad namin ang PAO (Public Attorney’s Office) Chief na si Atty. Persida Rueda Acosta, naroroon ang init ng isang public servant.

May kaso ka mang idudulog o simpleng pakikipag-tsikahan, para kang may isang inang handang gumabay sa ‘yo sa lahat ng panahon.

Serbisyong publiko. Ang sinumpaan at patuloy na pinangangatawanan at pinanghahawakan.

Nagdiriwang ang ahensya ng kanyang ika-54 taon. 

At sa loob ng panahong iyon hanggang sa kasalukuyan, maraming natulungan ang PAO, sa mga pamilyang nanghingi ng hustisya para sa mga karapatang kinailangang ipaglaban.

Malasakit ang puso ng PAO. At dahil may Atty. Persida na ‘di matingkala ang dedikasyon at pagmamahal sa kapwa, nagagampanan nito ang paglilingkod ng buong puso. Natuturol ang ipinaglalaban ng mga nangangailangan para sa pantay na pagtingin sa harap ng batas.

At para mas marami pa ang mahatiran ng kaalaman tungkol sa batas, patuloy ang sinimulan niyang #PALA o Persida Acosta’s Legal Advice (sa YouTube Channel at iba pang platforms gaya ng Facebook, Instagram, Tiktok, X (Twitter) para hindi mawala ang nagnanais na maabot siya.

Straightforward ang nakilala naming abogado.

“You cannot control what people say about you, but you can control what you become,” isa sa mga naibahagi niya sa isang episode ng #PALA.

At sa ilalim ng kanyang administrative office, nagsasagawa rin sila ng medical, legal, dental, optical missions at jail visitations and decongestion programs. Gaya ng huli nilang pagbisita sa Correctional Institution for Women.

Madalas matanong si PAO Chief kung kasama ba sa plano niya ang pagtakbo sa politika sa mga darating na eleksiyon.

Urong-sulong pa rin ang sagot nito. Wala pang katiyakan kahit marami na ang sumususog at nagmumungkahi na bigyan niya ito ng atensiyon.

Lagi namang ang focus niya ay sa mga nagangailangan muna ng tulong mula sa kanyang ahensiya.

Makailang ulit na rin siyang natanong kung papayag siyang isapelikula amg buhay niya. Oo naman daw.

Pero bistado na ng media na isang mahusay din na mang-aawit si PAO Chief at nakapagsusulat pa ng liriko.Pinagpala nga si PAO Chief sa pinasok niyang larangan. At ang pagpapalang ‘yan ay naipaaabot niya sa balana.