Ang bukas ng enerhiya: Solar sa bubong o pagbawi ng gobyerno sa koryente? (Ikatlong Bahagi)

PADAYON Teddy Brul

MATAPOS nating talakayin kung paano naglalakbay ang koryente at kung paano naging misteryo ang “system loss” na pilit na ipinapapasan sa ating mga consumer, dumako naman tayo sa pinakamahalagang tanong ng ordinaryong mamamayan: Ano ang solusyon? May liwanag pa ba ang bukas para sa ating mga konsumer?

Sa huling seryeng ito, hihimayin natin ang dalawang magkaibang landas: ang solusyon mula sa sarili nating bubong, at ang masidhing panawagan na baguhin ang sistema ng pamamahala sa koryente.

Solar sa bubong: Luho ng mayayaman, pangarap ng mahirap?

Sa unang tingin, napakaganda ng ideya ng distributed solar o ang paglalagay ng solar panel sa bubong ng mga bahay. Kung may sarili kang koryente mula sa araw, malaki ang mababawas sa iyong buwanang bill. Sa ilalim ng net metering, maaari mo pa ngang ibenta sa mga distribution utility tulad ng Meralco ang labis na koryenteng nagawa mo.

Pero aminin natin ang katotohanan: Napakasakit sa bulsa ang paunang bayad! Ang pagpapakabit ng disenteng solar system ay nagkakahalaga ng libo-libong piso — pera na wala ang isang minimum wage earner. Kaya sa kasalukuyan, ang solar ay nananatiling luho ng mayayaman at middle class. Hangga’t walang subsidyo o murang pautang ang gobyerno para sa solar ng mahihirap, pangarap lang ito para kay Juan de la Cruz.

Ang data ng mga kapitbahay: Paghahambing o proof of causation?

Sa tindi ng sipa ng singil sa koryente sa ilalim ng pribadong sektor, ilang basic mass organization ang humihiling: “Ibalik sa gobyerno ang kuryente!”

Kung titingnan ang datos, malinaw ang disparity o ang malaking agwat ng Filipinas sa ating mga kapitbahay. Habang tayo ay pumapalo sa mahigit ₱14.00 kada kWh, ang China ay nasa ₱4.80 lang at ang Malaysia ay napakababa sa ₱3.34. Sa South Korea, naglalaro ito sa ₱8.50 hanggang ₱9.50, samantala sa Thailand ay nasa ₱7.41 kada kWh.

Ngunit babala ng mga eksperto: Ang mataas na presyo sa Filipinas kompara sa iba ay isang “question and comparison,” hindi agad “proof of causation” na kasalanan lang ito ng pribadong sektor. May mga malalalim na salik kung bakit magkakaiba ang presyo:

Heograpiya at Impraestruktura: Ang Filipinas ay isang arkipelago. Ang pagdurugtong ng koryente sa pamamagitan ng mga submarine cable mula sa iba’t ibang isla ay sadyang napakamahal kompara sa landmass o magkakadikit na lupain ng China, Thailand, at South Korea.

Dependensiya sa Imported Fossil Fuels: Dahil kapos tayo sa sariling suplay, halos lahat ng uling (coal) at krudo natin ay imported. Kapag nagkagera o krisis sa mundo, sapol agad ang bill natin. Ang South Korea at Thailand ay may sariling estratehiya — ang Korea ay may advanced nuclear energy infrastructure, habang ang Thailand naman ay may sariling produksiyon ng natural gas sa Gulf of Thailand.

Taxes at Levies: Ang koryente sa Filipinas ay pinapatawan ng VAT at iba’t ibang klase ng buwis na direktang ipinapasa sa konsumer, samantala ang ibang bansa ay may mas mababang buwis o mas maayos na regulatory mechanisms upang hindi ito maging pabigat.

Ang aral sa China at Malaysia: Hindi automatic ang mirakulo

Kaya naman, ang pagbibigay ng ehemplo sa China at Malaysia ay hindi nangangahulugang perpekto ang 100% nationalization o pag-aari ng estado. Sa China, dalawang dambuhalang kompanya ng estado (SGCC at CSG) ang may hawak ng grid, at pinapasan ng malalaking industriya ang mas mataas na singil upang ma-subsidize ang mga bahay. Sa Malaysia, kontrolado ng estado ang Tenaga Nasional Berhad (TNB) gamit ang bilyon-bilyong pisong subsidyo at stabilization fund (KWIE) upang saluhin ang shock kapag nagmamahal ang fuel sa mundo.

Bago tayo sumigaw ng buong nationalization, kilalanin muna natin ang kontra-argumento: Ang pagbili o pagbawi sa mga pribadong planta at grid sa Filipinas ngayon ay mangangailangan ng trilyong piso — pera na wala ang gobyerno at magbabaon lang sa atin sa utang.

Bukod dito, nandiyan ang multo ng kasaysayan: ang banta ng korupsiyon, kawalan ng malasakit, at politika sa pamamahala na siyang nagpalubog sa National Power Corporation (Napocor) noong araw at nagbunsod sa pagpasa ng EPIRA Law.

Samakatuwid, ang ‘nationalization’ ay hindi mahiwagang tableta na kapag ininom mo ngayon, automatic na bababa ang electricity bill mo bukas.

Ang hybrid model: Ang gitnang landas

Dahil hindi solusyon ang biglaang 100% nationalization at hindi rin katanggap-tanggap ang kasalukuyang sistema, ano ang maaari nating gawin nagyon? Puwede natin paghaluin ang lakas ng estado at pribadong sektor sa pamamagitan ng isang Hybrid Model:

1.Estado bilang Haligi: Ang gobyerno ang dapat humawak at mamuhunan sa mga strategic assets—tulad ng pagbawi sa transmission infrastructure (na kasalukuyang may 40% Chinese ownership), pagtatayo ng malalaking renewable projects (tulad ng geothermal at malalaking dams), at paglikha ng mga dambuhalang energy storage system (baterya ng bansa).

2.Pribadong Sektor bilang Katulong: Hayaang manatili ang pribadong sektor sa mga service contracts at operasyon kung saan mas mabilis at mas mahusay sila, ngunit sa ilalim ng tunay na kompetisyon at hindi monopolya.

                3.Komunidad bilang Prodyuser: Hikayatin ang mga barangay at kooperatiba na magkaroon ng community renewable systems upang ang maliliit na komunidad ay hindi na laging umaasa sa malalaking planta.

4.Mabangis na Regulator: Dapat gamitin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang kanyang pangil bilang watchdog. Isang magandang hakbang ang kasalukuyang 2026 ERC market-share limits kung saan ipinagbabawal na lumampas sa 30% ng installed capacity sa bawat grid (Luzon, Visayas, Mindanao) at 25% sa buong bansa ang hawak ng iisang kompanya. Patunay ito na alam ng regulator na delikado kapag iilang pamilya lang ang may hawak sa ating koryente. Dapat itong panindigan at higpitan pa ang pananagutan sa system loss!

Pangwakas na pagninilay

Sa pagtatapos ng seryeng ito, iiwan ko sa inyo ang isang batayan at mabigat na tanong: Kung ang koryente ay kasinghalaga ng tubig, transportasyon, at iba pang pangunahing impraestruktura, hanggang saan natin dapat payagan ang tubo o profit sa isang serbisyong hindi kayang mabuhay nang walang ordinaryong consumer?

Ang koryente ay hindi parang mamahaling cellphone na puwedeng hindi mo bilhin kung wala kang pera. Ito ay karapatan at pangangailangan. Hangga’t tinatrato natin ang koryente bilang purong negosyo at hindi bilang serbisyong panlipunan, mananatiling madilim ang bulsa ng mga Filipino habang maningning ang kita ng iilan.

Padayon, Filipinas!

Sanggunian:

1.Statista — Household electricity prices worldwide statista.com

2. Energy Regulatory Commission of Thailand erc.or.th

** Official tariff information and electricity pricing structure in Thailand.

** Thailand Energy Regulatory Commission – Electricity Tariffs

3. KEPCO (Korea Electric Power Corporation) home.kepco.co.kr

** Residential Electricity Tablesrate tables by Amount Consumed

4. Suruhanjaya Tenaga (Energy Commission of Malaysia) st.gob.my

**Components of IBR

**Electricity Pricing framework and tariff regulation in Malaysia

5. Energy Regulatory Commission erc.gov.ph