‘Not guilty’ verdict kay Sara tatapatan ng People Power

Sipat Mat Vicencio

SIPAT
ni Mat Vicencio

MALINAW na isang uri ng pananakot o pambabraso ang sinasabing People Power revolution na magaganap sa sandaling mahatulang “not guilty” si Vice President Sara Duterte sa patuloy na isinasagawang impeachment trial sa Senado.

Ito ba ay dahil sa imposibleng makakuha ng 16 votes sa conviction ni Sara at ngayon pa lang ay pinalulutang na ang pagsiklab ng kaguluhan?

        Kaya nga, sablay talaga na mismong si House private prosecutor Amando Ligutan ang magsasalita o magbibigay ng haka-haka na maaaring sumiklab ang isang People Power Revolution kung tuluyang mapapawalang sala si Sara.

At mapapansin din, patuloy na kinukwestiyon ang 16 votes threshold sa impeachment at ipinipilit ang argumentong maaaring ibaba ang bilang ng nasabing boto dahil ang tatlong senador ay hindi lumulutang sa Senado.

Sa kasalukuyan, ang mga senador na sina Jinggoy Estrada at Dante Marcoleta ay nakakulong at nahaharap sa patong-patong na kaso. Samantala, si Senador Bato Dela Rosa naman ay hindi pa rin nasasakote at tago nang tago sa batas.

Nagbigay rin ng pahayag si Rep. Terry Ridon na tanging ang impeachment court lamang ang maaaring  makapagdesisyon sa bilang ng boto na kinakailangan para sa conviction ni Sara na humaharap sa paglilitis.

        Ang Supreme Court, wala na bang karapatan magdesisyon sa bilang ng boto?

Sa pahayag ni Ridon, “‘Yung pagtingin naman po namin d’yan ay sa dulo, it is not for the prosecution or defense to determine the threshold. It is for them. It is for the senator-judges to make that determination.”

At dahil sa hindi makukuha ang 16 votes para mahatulang guilty si Sara, sa hinaharap ay inaasahang tuluyang magdedesisyon ang mga senator-judges para ibaba ang threshold o hangganan ng boto sa isang impeachable official.

Ang tanong… hindi rin kaya pumalag at maglunsad ng People Power revolution ang grupo ng mga DDS kung pipilitin na guilty ang hatol kay Sara? Matakot ka Bongbong!