RATED R
ni Rommel Gonzales
TINANONG namin ang writer/producer na si Rossana Hwang kung malaki ba ang natitipid kapag gumamit ng A.I. o Artificial Intelligence sa pagbuo ng isang pelikula.
“Oo naman,” bulalas ni Rossana, “Kasi 2021, I already wanted to do this cartoon,”pagtukoy niya sa animated film na Plump Blossom na produced ng kanyang Kapitana Entertainment Media.
“When I was younger, I was doing ‘Princess Notebooks,’ like I did ‘Sleeping Beauty,’ ‘Snow White Ariel’ (ng The Little Mermaid), ‘Notebooks,’ yes.
“I did also ‘Pocahontas’
“Noong 2015 gusto ko nang gumawa [ng cartoon film], tapos I met an animator, tinanong ko, ‘I want to do animation, how much would it cost?’”
Malaking halaga raw ang sinabi sa kanya ng kausap niya, bukod dito ay matatagalan pa bago makatapos ng proyekto.
Sa paggawa niya ng Plump Blossom ay mahigit 50 percent ang natipid niya sa paggamit ng A.I.
“And I think, moving forward, it’s going to be not as long, and there are more tools coming out, eh. As we are talking now there are more tools coming out.”
Kung sa isang cartoon project ay napakikinabangang mabuti ang A.I. hindi naman ine-encourage ni Rossana ang paggamit nito kapag ang pelikula ay hindi cartoon o animation.
“‘Yung kunwari nakikita ko may artista? I don’t like.”
Natutuwa naman siyang makapanood ng mga A.I. na vertical series online tungkol sa mga siyokoy at sirena.
“Cute siya!”
Bakit hindi niya naisipang mag-produce ng mga vertical drama sa halip na isang pelikula tulad ng Plump Blossom na ipalalabas sa mga sinehan sa September 23?
“Mayroon akong iniisip gawin ngayon pero iniisip ko pa kung paano.”
Bukod sa trilingual host at social media star na si Candice Tan na magbibigay-boses sa karakter ni Princess Ruo Hua (Plump Blossom), ang iba pang tunay na tao na nag-boses sa mga karakter nito ay sina Don Puno (former MTV VJ-turned-entrepreneur) bilang General Jian, ang book author na si Gutch Gutierrez bilang Chef Bao, ang church pastor na si Chad Williams bilang si General Feather, ang content creator/chef/restaurateur na si Thunderson Tan bilang si Assistant Chef Wen, ang pastor na si Yeng Her bilang Yuan Yuan the Pekingese, at ang theater actor/singer na si Audie Gemora bilang Emperor.
