Mula turbina hanggang sambahayan
Ang mahabang paglalakbay ng daloy ng koryente (Una Bahagi)

PADAYON Teddy Brul

PADAYON
ni Teddy Brul

Pasubali sa Mambabasa:

Mahaba nang kaunti ang unang seryeng ito—at sinadya namin iyon. Bilang isang educational piece, layunin nitong hindi lamang sabihin kung magkano ang binabayaran natin sa koryente, kundi ipaliwanag muna kung paano ito nabubuo, naglalakbay at nakararating sa ating tahanan.

Kaya hinihiling namin sa mambabasa na baybayin at namnamin nang maigi ang artikulo. May mga teknikal na termino at prosesong kailangan maunawaan bago natin talakayin sa mga susunod na serye ang mas masalimuot na usapin ng system loss at kung hanggang saan dapat itong pasanin ng consumer.

Sa panahon ng mabilisang impormasyon, layunin ng seryeng ito na sandatahan ang consumer ng sapat na kaalaman upang hindi basta matangay ng espekulasyon, sabi-sabi, o paliwanag na walang sapat na batayan.

Unawain muna natin ang paglalakbay ng koryente. Saka natin itanong: sino ang dapat managot sa mga nawawala sa paglalakbay na ito?

Paano nakararating sa ating mga bahay ang koryenteng ginagamit natin araw-araw?

BAGO magliwanag ang isang bombilya, umandar ang bentilador o gumana ang refrigerator, mahaba at masalimuot muna ang paglalakbay ng koryente.

Mula ito sa pinagmumulan ng enerhiya, dumaraan sa proseso ng generation, ipinadadala sa high-voltage transmission grid, ibinababa sa mga substation, ipinapamahagi sa mga lokal na linya at sa huli ay sinusukat ng metro bago makarating sa ating tahanan.

Sa madaling salita:

ENERGY SOURCE → GENERATION → TRANSMISSION → SUBSTATION → DISTRIBUTION → METER → BAHAY

Ang bawat yugto ay may sariling kagamitan, gastos at tungkulin upang matiyak na ang koryente ay ligtas at maaasahang makararating sa consumer.

Mula saan nanggagaling ang koryente?

Ang electricity supply ay maaaring magmula sa iba’t ibang energy sources — kabilang ang coal at natural gas, gayundin ang renewable sources gaya ng geothermal, hydro, wind at solar.

Ngunit hindi pare-pareho ang paraan ng paglikha ng koryente mula rito.

Sa maraming conventional at renewable power plants, ginagamit ang enerhiya upang paikutin ang turbine na konektado sa generator. Sa geothermal, hydro at wind generation, halimbawa, may prosesong gumagamit ng turbine upang makalikha ng mechanical energy na ginagawang electrical energy ng generator.

Samantala, iba ang proseso ng solar photovoltaic (PV), na direktang kino-convert ng solar panels ang liwanag ng araw tungo sa electrical energy.

Oplus_131072

GENERATION: Dito nagsisimula ang koryente

Sa generation facility, ang enerhiya mula sa fuel o renewable source ay ikino-convert tungo sa electrical energy.

Sa isang turbine-generator system, ang pag-ikot ng turbine ang nagtutulak sa generator upang makalikha ng koryente. Sa solar PV, ang mga photovoltaic cells naman ang direktang nagko-convert ng sunlight tungo sa electricity.

Mula rito, kailangan ihanda ang koryente para sa paglalakbay sa malalayong distansiya.

TRANSMISSION:

Mahabang biyahe sa high-voltage grid

Bago bumiyahe sa transmission network, itinataas ang boltahe ng koryente upang maging mas episyente ang paghahatid nito sa malalayong distansiya.

Dito pumapasok ang transmission system—ang network ng matataas na tore, high-voltage lines, at substations na nag-uugnay sa mga power generator at distribution utility.

Sa Filipinas, ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang transmission service provider at operator ng nationwide transmission system.

Inilalarawan mismo ng NGCP ang transmission network bilang “highway” na nagdadala ng power mula sa mga generator patungo sa distribution utilities at electric cooperatives.

SUBSTATION: Pagbabago ng boltahe

Habang papalapit ang koryente sa lugar kung saan ito gagamitin, dumaraan ito sa mga substation kung saan maaaring baguhin ang boltahe para sa susunod na bahagi ng power system.

Sa transmission stage, ginagamit ang mga transformer upang itaas o ibaba ang boltahe ayon sa pangangailangan ng system.

Sa ganitong paraan, ang high-voltage transmission network ay nakakonekta sa mas mababang boltahe na ginagamit ng distribution system.

DISTRIBUTION: Papunta sa mga komunidad

Mula sa transmission system, ipinapasa ang koryente sa distribution system.

Dito na ito dumaraan sa mas maliliit na linya, distribution substations, transformers at iba pang kagamitan bago makarating sa mga gusali, negosyo at tahanan.

Ang distribution sector ay binubuo ng mga distribution utility, electric cooperative, at iba pang awtorisadong entity na naghahatid ng electricity sa end-users sa kani-kanilang franchise o service areas.

Sa Metro Manila at ilang karatig-lugar, halimbawa, Meralco ang distribution utility. Sa ibang bahagi ng bansa, ang mga electric cooperative, at iba pang distribution utility ang nagsisilbi sa mga consumer.

ELECTRIC METER: Dito sinusukat ang konsumo

Bago magamit ng isang tahanan ang koryente, dumaraan ito sa electric meter.

Ang metro ang nagtatala ng electrical energy na ginagamit ng consumer sa loob ng billing period. Karaniwang sinusukat ang konsumo sa kilowatt-hour (kWh).

Sa puntong ito, nagtatapos ang mahabang paglalakbay ng koryente sa power system at nagsisimula ang paggamit nito sa ating tahanan.

Sa ating mga saksakan, ang household supply ay nominal na 230 volts, hindi 220 volts, bagama’t karaniwan pa rin ginagamit sa pang-araw-araw na usapan ang “220V”.

Tingnan ang kalakip na infographic:

PINAGMUMULAN NG ENERHIYA → GENERATION → TRANSMISSION → SUBSTATION → DISTRIBUTION → ELECTRIC METER → BAHAY / CONSUMER

Ang “nawawalang koryente” sa biyahe

Hindi lahat ng enerhiyang ipinapasok sa isang bahagi ng power system ay eksaktong lumalabas sa kabilang dulo.

Habang dumadaloy ang elektrisidad sa mga linya, transformer, at iba pang electrical equipment, may mga energy losses na nagaganap.

Sa distribution system, tinutukoy ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Distribution System Loss bilang pagkakaiba ng electric-energy input at electric-energy output sa isang itinakdang billing period.

May dalawang pangunahing bahagi nito:

Technical Loss at Non-Technical Loss.

Ang TECHNICAL LOSS ay anglikas na pagkawala sa electrical system.

Ang technical loss ay enerhiyang nawawala dahil sa pisikal na katangian at operasyon ng mga electrical equipment, conductor at iba pang bahagi ng system.

Kapag dumadaloy ang electric current sa mga conductor na may resistance, may bahagi ng electrical energy na nagiging init. Ito ang karaniwang tinutukoy bilang resistive o I²R loss.

Maaari rin magkaroon ng losses sa transformers at iba pang electrical equipment.

Hindi lubusang maiiwasan ang technical losses, ngunit maaari itong mabawasan sa pamamagitan ng mahusay na system design, tamang sizing, at maintenance ng equipment, upgrading ng facilities, at iba pang engineering measures.

Ang NON-TECHNICAL LOSS ay hindi pisikal na pagkawala.

Ang non-technical loss ay hindi pangunahing dulot ng pisikal na katangian ng electrical equipment. Ayon sa ERC, kabilang dito ang electricity pilferage, meter tampering, maling meter reading at erroneous billing.

Halimbawa nito ang:

* Electricity Pilferage — paggamit ng koryente sa pamamagitan ng illegal connection o iba pang hindi awtorisadong paraan.

* Meter Tampering — manipulasyon sa metro upang maapektohan ang tamang pagtatala ng konsumo.

* Erroneous Meter Reading — maling pagbasa o pagtatala ng meter reading.

* Erroneous Billing — pagkakamali sa proseso ng billing na maaaring makaapekto sa naitalang consumption o singil.

Mahalagang tandaan: hindi dapat ipakahulugan na lahat ng non-technical losses ay awtomatikong kagagawan ng consumer. Kabilang sa regulatory definition ang mga error sa meter reading at billing, bukod sa pilferage at meter tampering.

Paano malalaman ang ating konsumo?

Simple ang pangunahing prinsipyo ng pagkukuwenta ng electricity consumption:

Present Reading − Previous Reading = Total kWh Used

Halimbawa:

Previous Reading: 1,250 kWh

Present Reading: 1,500 kWh

Total Consumption: 250 kWh

Ibig sabihin, 250 kWh ang nadagdag sa meter reading sa loob ng billing period.

Paalala: Halimbawa lamang ito ng meter reading at consumption. Hindi nito sinasabing ito ang karaniwang buwanang konsumo ng isang household.

Paano naman nabubuo ang halaga ng bill?

Kung gagamit tayo ng isang halimbawang all-in rate na ₱11.50 bawat kWh, ganito ang simpleng computation:

250 kWh × ₱11.50 = ₱2,875

Ngunit hindi nangangahulugan na ganito lamang kasimple ang aktuwal na electricity bill.

Ang bill ng consumer ay binubuo ng iba’t ibang components, kabilang ang generation, transmission, system loss, distribution, taxes, subsidies at iba pang charges na may kani-kanilang regulatory basis.

Sa kasalukuyang breakdown na inilathala ng Meralco, halimbawa, magkakahiwalay ang generation, transmission, system loss, distribution, at iba pang charges; hindi rin lahat ng halagang kinokolekta sa bill ay kita ng distribution utility.

At dito nagiging mas mahalaga ang susunod na tanong:

Kung may koryenteng nawawala habang naglalakbay sa power system, sino ang dapat sumagot sa halaga nito?

May hangganan ba ang maaaring ipasa sa consumer?

At kung may itinakdang limitasyon ang regulator, ano ang nangyayari sa losses na lampas dito?

Sa sususnod:

SERIES 2: SYSTEM LOSS HANGGANG SAAN DAPAT PASANIN NG CONSUMER?

Sa susunod, susuriin natin kung paano kinukuwenta ang system loss, paano ito nakikita sa electricity bill, ano ang papel ng Energy Regulatory Commission (ERC), at hanggang saan maaaring ipasa sa consumer ang halaga ng mga energy losses.

Sanggunian:

1. National Grid Corporation of the Philippines www.ngcp.ph

* Transmission Development Plan 2021-2040

*  NGCP Announcements – AS-CSP FORMs

* Operations NGCP

* Department of Energy Documents – NGCP

2. Energy Regulatory Commission – erc.gov.ph

ERC case no. 2016-08-03 (18)