Protesta umarangkada
KORUPSIYON, REKLAMASYON SINISI SA MALAWAKANG BAHA

Baha Bulacan Rally Protest

ni TEDDY BRUL

 MALOLOS, BULACAN — Mahigit isang libong residente at miyembro ng iba’t ibang people’s organizations ang nagpakita ng lakas ng pagkakaisa sa kanilang unang malawakang pagkilos nitong Linggo, 31 Agosto, upang igiit ang pagtigil sa walang humpay na pagbaha, pananagutan sa korupsiyon sa flood-control projects at pagpapatigil sa reklamasyon sa lalawigan.

Itinuring na matagumpay na unang salvo ng bagong tatag na koalisyong KILOS–BULACAN ang pagkilos matapos pahintulutan ang mga demonstrador na magsagawa ng programa sa tapat ng Bulacan Provincial Capitol.

Gayunman, walang kinatawan ng tanggapan ng gobernador, kabilang ang gobernador mismo, ang humarap sa mga demonstrador upang tugunan ang kanilang mga panawagan.

Sa kabila nito, naging mapayapa ang pagkilos habang ginabayan ng mga pulis ang martsa at programa ng koalisyon.

Nagtipon ang mga kalahok mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan at nagmartsa bitbit ang mga placard, streamer at mga panawagang tumutuligsa sa patuloy na pagbaha, korupsiyon sa flood-control projects at epekto ng reklamasyon.

Pangunahing panawagan ng koalisyon ang pagtigil sa reklamasyon, partikular sa mga proyektong iniuugnay nila sa pagtatayo ng Bulacan International Airport.

Ayon kay Val Vibal, convenor ng Progresong Walang Naiiwan–Bulacan, sobra na ang dinaranas na paghihirap ng mga residente dahil sa walang humpay na pagbaha.

“Sa halip na masolusyonan, lalong lumala ang sitwasyon sa reklamasyon nang itayo ang Bulacan International Airport sa Bulakan,” ayon kay Vibal.

Aniya, tuwing may malakas na pag-ulan ay nagiging bulnerable sa tidal flooding ang ilang lugar dahil sa pag-overflow ng interior tributaries sa Bulakan at mga karatig na river systems.

“Hindi dapat nakokompromiso ang kapakanan ng mamamayan sa ngalan ng kaunlaran,” dagdag niya.

Kabilang sa mga lumahok ang mga residente mula sa Hagonoy, Calumpit, Paombong, Bulakan, Marilao at Meycauayan, na ilan sa mga lugar na madalas makaranas ng malawakang pagbaha.

REKLAMASYON PANAGUTAN

Mas partikular naman ang panawagan ni Manuel Mendoza ng Partido Lakas ng Masa (PLM) hinggil sa reklamasyon at pananagutan ng mga nasa likod nito.

“Pinagkakakitaan nila ang ating krisis! Wala pa rin katarungan ang mamamayan sa korupsiyon kahit isang taon na mula nang sumambulat sa bayan ang Flood Control Scam,” ani Mendoza.

Idiniin din niya ang panawagang papanagutin ang San Miguel Corporation (SMC) dahil sa alegasyon ng mga grupo na pinalala ng reklamasyon ang problema sa pagbaha.

“Kailangan din singilin ang San Miguel Corporation dahil pinalala nito ang krisis sa baha. Dahil sa reklamasyon ng dambuhalang korporasyon, hinarangan nito ang daluyan ng tubig. Dapat nang itigil ang reklamasyon!” pahayag ni Mendoza.

Ang pahayag ay paninindigan at alegasyon ng PLM at iba pang grupong lumahok sa pagkilos.

Mababatid na ang mga grupong nakapaloob   sa KILOS BULACAN ay ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Bigkis Kalikasan, Pangisda-Bulacan, Bunyog, KPML, Kadamay, Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) at mga kinatawan at organisasyon mula sa Bulacan State University (BulSU).

Nakiisa rin ang Artikulo Onse (Article 11), na aktibo sa kampanya laban sa korupsiyon at sa panawagan para sa imbestigasyon sa ghost at anomalous flood-control projects.

Sa pagtatapos ng programa sa harap ng Kapitolyo, nanindigan ang koalisyon na hindi matatapos sa kanilang unang pagkilos ang kampanya.

Nanawagan sila ng tuloy-tuloy na pagkakaisa at pagkilos ng mga Bulakenyo upang igiit ang agarang solusyon sa pagbaha, pananagutan sa mga anomalya at pagrepaso sa mga proyektong reklamasyon, na ayon sa kanila’y nakaaapekto sa mga komunidad.