CADENA youth, isinusulong digitalized tracking ng pondo ng bayan

CADENA youth, isinusulong digitalized tracking ng pondo ng bayan

ni Teddy Brul

PASIG CITY, Metro Manila — Nanawagan ang mga kabataang tagapagtaguyod ng transparency sa pamahalaan para sa mas matatag na digital systems na susubaybay sa paggasta ng pamahalaan sa paggunita ng National Heroes Day, at iginiit na may mahalagang papel ang kabataan sa pagsusulong ng accountability at pangangalaga sa mga pampublikong yaman.

Nagsagawa ng wreath-laying ceremony ang mga kinatawan ng Concerned Advocates for Digital Expenditure and National Audit (CADENA) sa monumento ni Dr. Jose Rizal sa Pasig City, na sinabayan ng poster na may mensaheng: “Noon, Kalayaan sa Mananakop; Ngayon, Kalayaan sa Korapsyon.”

Hinimok din ng youth-led group ang House of Representatives na suportahan ang Senate Bill No. 1506, o ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na naglalayong gamitin ang digital technology upang maging mas madaling masubaybayan ang paggasta ng pamahalaan at mas madaling ma-access ang mga pampublikong rekord.

Ang panukalang batas, na inakda ni Senador Bam Aquino, ay tinawag ng CADENA na “Blockchain the Budget” bill dahil sa panukala nitong paggamit ng digital systems upang lumikha ng mas madaling masubaybayang rekord ng paggasta ng pamahalaan.

Para sa mga kabataang lider ng kilusan, ang kampanya para sa higit na transparency ay bahagi ng patuloy na pananagutan ng bagong henerasyon na makatulong sa pagbuo ng mas accountable na Lipunan — isang pananaw na maiuugnay sa paniniwala ni Jose Rizal sa mahalagang papel ng kabataan sa kinabukasan ng bayan.

Sinabi ni Krissy Abesamis, miyembro ng Manila Youth Council at co-convenor ng CADENA group, layunin ng inisyatiba na baguhin ang paraan ng paglaban sa korupsiyon — mula sa paghihintay na mangyari muna ang maling paggamit ng pondo bago magsagawa ng imbestigasyon, tungo sa pagpapalakas ng mga sistema na makapipigil sa pagtatago ng mga kuwestiyonableng transaksiyon.

Hinimok din niya ang publiko, lalo na ang mga kabataang Filipino, na maging mas aktibo sa pagsusulong ng good governance at pangangalaga sa pampublikong yaman.

Sa ilalim ng panukalang batas, itatala sa isang centralized digital budget system ang mahahalagang yugto ng paggasta ng pamahalaan, kabilang ang pagpaplano, paggawa ng batas, procurement, pagpapatupad ng mga proyekto at pamamahala ng pondo.

Aatasan din ang mga ahensiya ng pamahalaan at state-owned corporations na ilabas ang mahahalagang rekord tulad ng mga kontrata, halaga ng proyekto, bills of materials at procurement documents, ayon kay Abesamis.

Kinikilala ng coalition na hindi kayang wakasan ng blockchain at iba pang digital technologies ang korupsiyon nang mag-isa. Anila, kailangan samahan ang teknolohiya ng matapat na pamumuno, independent auditing, matitibay na institusyon, at aktibong pakikilahok ng mamamayan.

Gayunman, sinabi ni Abesamis na makatutulong ang digitalized records sa pagkakaroon ng mas malinaw na trail ng paggasta ng pampublikong pondo, mas mabilis na pagkuha at paghahambing ng mga dokumento, at pagpapahirap sa pagtatago ng mga kuwestiyonableng transaksiyon.

Iniugnay rin ng CADENA ang panukalang batas sa pangangailangang palakasin ang public accountability habang higit na pumapasok sa digital age ang ekonomiya at mga serbisyong pampamahalaan sa Filipinas.

Habang higit na umaasa ang mga Filipino sa teknolohiya para sa banking, commerce, education, communication at iba pang gawain, sinabi ng coalition na kailangang makasabay din ang mga sistema ng pamahalaan sa pagsubaybay sa paggamit ng pampublikong pondo.

Nanawagan ang grupo sa House of Representatives na aksiyonan ang panukala kasunod ng tinukoy nitong unanimous 17–0 Senate vote.

Sinabi ng CADENA na maaari pang palakasin ng mga mambabatas ang panukala kung kinakailangan, habang pinananatili ang layunin nitong paigtingin ang transparency at citizen oversight sa paggasta ng pampublikong pondo.

Sinabi naman ni Sophie Dotaro, dating high school editor-in-chief at co-convenor ng CADENA, na magsasagawa ang grupo ng mga public information activity, campus at community forum, media engagement at citizen-education session upang higit na maunawaan ng publiko ang budget transparency at digitalized governance.

“Every peso should leave a trace. Every project should have a receipt. Every official should be accountable,” ani Dotaro.