RATED R
ni Rommel Gonzales
NAPAKABONGGA naman ng pelikulang 58th ng GMA Pictures dahil isa ito sa walong pelikulang pinagpipilian para maging entry ng Pilipinas sa Best International Feature Film category sa napaka-prestigious na 99th Academy Awards o Oscars sa Amerika.
Ang Film Academy of the Philippines (FAP) mismo ang nag-announce tungkol sa walong Pinoy movies na kasama sa shortlist para sa mga ipadadalang pelikulang Filipino sa Oscars.
Bukod sa 58th, na idinirehe ni Carl Joseph Papa, ang mga sumusunod na pelikulang kasama sa short list ay ang: All the Things I Leave You by Jade Castro; Filipiniana by Rafael Manuel: I’m Perfect by Sigrid Andrea Bernardo; Manila’s Finest by Raymond Red; Quezon by Jerrold Tarog: Silenced Nightsby Lawrence Fajardo; at Sisa by Jun Robles Lana.
Ayon kay FAP Director-General Paolo Villaluna, ipinakikita ng mga nabanggit na pelikula ang lawak at pagkakaiba-iba ng pagkukuwento ng mga Pinoy
“The films this year offer a spectrum of views of the Filipino experience. They look at our history, the issues we continue to face, and the ways Filipinos deal with questions of power, identity, love, freedom, and survival.
“Whichever film we send to the Oscars will carry a Filipino story that we can be proud of.
“The eight contenders will undergo a rigorous selection process led by a National Selection Committee convened by the Film Academy of the Philippines.”
Binubuo ang committee ng mga eksperto mula sa industriya ng pelikulang Filipino at inaprubahan ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences (AMPAS).
Ang pagbabatayan ng kanilang pagsusuri ay artistikong kalidad, kahalagahang pangkultura, at potensiyal ng mga ito para sa isang internasyonal na kampanya.
Ia-announce ang official entry ng Pilipinas para sa kategoryang Best International Feature Film sa September 4, sa opening ng Philippine Film Industry Month, sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines.
Pinagsama-sama ang animation at archival footage, ang 58th ay kuwento ni Reynafe Castillo, na ginampanan ni Glaiza de Castro, at tungkol ito sa ilang taong pakikipaglaban para makakuha ng mga kasagutan at makilala ang kanyang ama bilang ika-58 biktima ng Maguindanao massacre.
Bahagi rin ng kuwento ang pagdadalamhati ng mga pamilya ng mga biktima at ang kanilang paghahangad ng hustisya matapos ang trahedya.
Ang Maguindanao massacre ay naganap noong November 23, 2009, sa bayan ng Ampatuan.
Itinuturing itong pinaka-nakamamatay na nag-iisang pag-atake sa mga mamamahayag sa kasaysayan ng mundo na umabot sa 58 katao ang nasawi sa masaker, kabilang ang 32 mamamahayag.
