DALAWA ang naitalang namatay habang dalawa pa ang sugatan sa insidente ng landslide sa Tipo High-Tech Park, Subic Bay Freeport Zone, sa lalawigan ng Zambales nitong Sabado, 29 Agosto.
Kinilala ang mga namatay na biktimang sina Peng Jiahan, isang Chinese national at sales and marketing supervisor ng Fubong Environmental Technology; at Ernesto Ramos, driver ng dump truck.
Samantala, patuloy na nilalapatan ng lunas sa James L. Gordon Memorial Hospital ang dalawang sugatang biktima.
Sa pahayag ni SBMA Vice President Deputy Administrator for Public Affairs Armie Llamas, agad silang nagsagawa ng beripikasyon at emergency response kaugnay ng insidente.
Gayundin, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong sitwasyon at makapagsagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang hindi kanais-nais na epekto ng landslide.
Ayon sa SBMA, magbibigay sila ng mga update sa insidente habang nagpapatuloy ang assessment. (MICKA BAUTISTA)
