ni MICKA BAUTISTA
LIGTAS na nakapagsilangng sanggol ang isang buntis na ginang sa loob ng police mobile car sa gitna ng pagbaha sa lungsod ng Meycauayan, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo ng madaling araw, 30 Agosto.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Melvin Florida, Jr., hepe ng Meycauayan CPS, na ipinadala kay P/Col. Jay Baybayan, acting provincial director ng Bulacan PPO, dakong 1:00 ng madaling araw kahapon, habang nagsasagawa ng traffic assistance at monitoring ang tauhan ng pulisya sa mga lugar na naapektohan ng baha sa Barangay Banga, sa lungsod, ay nilapitan sila ng isang lalaki na humihingi ng tulong para sa buntis na asawa, na malapit nang manganak.
Dahil sa malalim na baha at kawalan ng magagamit na transportasyon, agad isinakay ng mga nagrespondeng pulis ang buntis at ang kanyang mister sakay ng police mobile car upang dalhin sa ospital.
Gayunpaman, habang papunta sa ospital ang grupo ay nag-labor na ang ginang at hindi na niya napigilang manganak.
Agad tinulungan ng mga nagrespondeng pulis, kasama ang mister, ang ina hanggang sa ligtas niyang naipanganak ang kanyang sanggol sa loob ng police mobile car at naihatid sa ospital.
Pagdating sa ospital, ang ina at ang kanyang bagong panganak na sanggol ay agad na binigyan ng kinakailangang atensiyong medikal at iniulat na nasa ligtas at matatag na kondisyon.
Pinuri ni P/Lt. Col. Florida ang mga nagrespondeng tauhan sa kanilang agarang pagtugon, pakikiramay, at dedikasyon sa tungkulin, na nagtiyak sa kaligtasan kapwa ng ina at ng kanyang bagong silang na anak.
Pahayag ni P/Col. Baybayan, ang Bulacan PPO ay nananatiling nakatuon sa pagbibigay ng serbisyong mabilis, tapat at nararamdaman, na tinitiyak na sa pamamagitan ng mga programa tulad ng JBM CARES ay mananatiling handang tumugon, tumulong, at maglingkod sa bawat Bulakenyo, lalo na sa panahon ng kagipitan at kahirapan.
