2 tulay sa Tarlac bumigay, kotseng MPV nahulog, 4 pasahero nawawala

Agana Bridge Aquino Bridge Tarlac

BUMAGSAK ang dalawang tulay sa lalawigan ng Tarlac sa magkahiwalay na insidente, habang lima kataong lulan ng isang multi-purpose vehicle (MPV) ang nahulog nang gumuho ang Agana Bridge sa Barangay Tibag, lungsod ng Tarlac City nitong Sabado ng gabi, 29 Agosto.

Sa ulat, kasabay ng pagguho ng gitnang bahagi ng Agana Bridge ang pagkahulog ng isang kulay abuhing Toyota Avanza, may sakay na tatlong lalaki at dalawang babae.

Maririnig sa mga video clip na kuha ng isang residente na sumisigaw at humihingi ng tulong ang mga sakay ng sasakyan.

Sa rescue operation, isa sa mga sakay na kinilalang si Nathaniel Dizon Taborlupa, 20 anyos, ang nasagip at isinugod sa kalapit na ospital.

Kabilang sa mga iniulat na na nawawala ay sina Paul Harvey Collado, 30 anyos, isang nurse, may-ari ng sasakyan; ang magkapatid na James Patrick Taborlupa, 35 anyos at Sheila Mae Taborlupa; at Shanen Tuhao, 26 anyos.

Patuloy ang rescue operation habang wala pang malinaw at opisyal na ulat sa eksaktong kalagayan ng iba pang sinasabing sakay ng MPV.

Samantala, naunang bumagsak ang gitnang bahagi ng Aquino Bridge dakong 11:56 ng gabi noong Biyernes, 28 Agosto na walang naiulat na nahulog o nasugatan.

Ang sunod-sunod na pagguho ng dalawang tulay ay nagdulot ng matinding pangamba sa mga residente at motorista, lalo na sa gitna ng malalakas na pag-ulan at rumaragasang tubig. (MICKA BAUTISTA)