Dahil sa pagbaha at walang tigil na ulan
Bahagi ng NLEX, MacArthur Highway, mga kalsada sa Bulacan hindi madaanan

Baha Ulan Bagyo habagat Car road

SINISI ng ahensiya ng pamahalaan ang pagbaha at walang tigil na malakas na pag-ulan kaya hindi madaanan ng mga sasakyan ang ilang bahagi ng mga pangunahing kalsada sa lalawigan ng Bulacan, kabilang ang North Luzon Expressway (NLEx) at MacArthur Highway.

Iniulat ito ni Manuel Lukban, Jr., hepe ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Linggo, 30 Agosto, base sa pinakahuling update sa sitwasyon ng mga kalsada sa lalawigan.

Sa lungsod ng Meycauayan, hindi madaanan ang parehong northbound at southbound lane ng NLEX sa bahagi ng Barangay Libtong simula 11:00 ng umaga nitong Sabado, 29 Agosto, dahil sa abot tuhod na baha.

Nagsimulang tumaas ang tubig dito dakong 10:20 ng umaga kamakalawa at humupa dakong 3:05 ng madaling araw kahapon.

Hindi rin madaanan ang ilang mga kalsada sa lungsod ng Meycauayan kabilang ang ilang bahagi ng MacArthur Highway sa Brgy. Calvario, at mga kalasada sa mga barangay ng Saluysoy, Pandayan, Banga, Hulo, Bangcal, at Bayugo.

Sa bayan ng Hagonoy, hindi madaanan ng maliliit na sasakyan ang mga kalsada sa mga barangay ng San Juan, San Isidro, at Palapat.

Sa bayan ng Calumpit, lubog sa baha ang mga kalsada ng mga barangay ng Gugo at Meysulao dulot ng malakas na ulan at high tide, kaya tanging mga bangka na lamang ang inaasahan sa transportasyon.

Gayundin, hindi madaanan ng mga sasakyan ang mga kalsada ng mga barangay ng Bulusan at Sta. Lucia, habang ang mga kalsada sa mga barangay ng San Jose, Frances, Calizon, at ilang bahagi ng Calumpit-Hagonoy road ay maaari na lamang madaanan ng malalaking mga sasakyan at pahabang tricycle o tikling.

Sa bayan ng Balagtas, hindi rin madaanan ng maliliit na sasakyan ang Bantayan St. sa Brgy. Panginay at MacArthur Highway sa bahagi ng Brgy. Wawa oblacion.

Isinara na ang Macaiban Bridge sa Brgy. Tumana, sa bayan ng Sta. Maria sa lahat ng uri ng sasakyan.

Ilang mga kalsada sa mga bayan ng Bocaue at Marilao ang hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan habang sarado sa maliliit na sasakyan ang kalsada sa Brgy. Dampol 1st, Pulilan.

Samantala, nagpakawala ng dagdag na 912 cubic meters per second (cms) na tubig ang Bustos Dam matapos umabot ang taas nito sa 16.98 metro dakong 8:00 ng gabi kamakalawa dahil lubhang malapit na sa spilling level na 17 metro.

Umabot ang antas ng tubig sa Ipo Dam sa 100.79 metro dakong 7:00 ng gabi kamakalawa, 0.21 metro lamang ang pagitan sa 101-metrong spilling level nito.