GANAP nang tropical depression Pilandok ang dating low pressure area (LPA) sa silangan ng bansa, dakong tanghali nitong Linggo, 30 Agosto, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Inaasahang higit pang palalakasin ni Pilandok ang tuluy-tuloy na pag-ulan na dala ng southwest monsoon o habagat.
Dakong 11:00 ng umaga, tinatayang nasa 1,225 kilometro sa silangan ng Extreme Northern Luzon si Pilandok.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 45 kph at pagbugsong aabot sa 55 kph. Kumikilos pakanlurang- hilagang-kanluran sa bilis na 15 kph at ang lawak ng hangin ay umaabot hanggang 420 kilometro mula sa gitna.
Isinusulat ang balita’y wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal. Maliit ang tsansang mag-landfall si Pilandok at inaasahang mananatiling malayo sa lupain ng Filipinas.
Inaasahang kikilos pakanlurang hilagang-kanluran hanggang ngayong araw, Lunes. Panandalian ang pagiging tropical depression nito bago humina at maging remnant low sa Philippine Sea, timog ng Japan, pagsapit ng Martes, 1 Setyembre.
Walang direktang banta ng landfall, ngunit aktibo nitong pinalalakas ang habagat na magdadala ng malakas na ulan at bugso ng hangin sa malaking bahagi ng bansa.
Ngayong Lunes, 31 Agosto, ang epekto ni Pilandok ay mararamdaman halos sa buong bansa.
