Sa P1.62-B shabu
2 CHINESE NATIONALS KULONG HABAMBUHAY

Shabu Prison

HABAMBUHAY na pagkakabilango ang ipinataw na kaparusahan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 116 sa Pasay City laban sa dalawang Chinese nationals matapos mapatunayan sa proseso ng paglilitis  na nagkasala nang walang duda sa pag-aangkat nang mahigit P1.62 bilyong halaga ng shabu papasok sa Filipinas.

Sa 24-pahinang desisyon na inilabas noong 25 Agosto 2026, idineklarang guilty beyond reasonable doubt sina Jason Ang y Tan at James Soriano y Ong sa paglabag sa Section 4 (Importation of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Pinagmulta rin ang dalawa ng tig-P2 milyon.

Sa rekord ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasabat noong 29 Oktubre 2020 ang isang shipment mula Malaysia na naglalaman ng 239,153.8 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na may tinatayang halagang mahigit P1.62 bilyon.

Nakatago ang ilegal na droga sa loob ng 240 plastic tea bags na inilagay sa 20 kahon.

Ngunit imbes agad kompiskahin ang shipment, nagsagawa ang mga awtoridad ng controlled delivery operation na nauwi sa pagkakaaresto kina Ang at Soriano sa Cabanatuan City noong 30 Oktubre 2020. (May kasamang ulat ni ALEX MENDOZA)