HALOS hindi na makikilala ang katawan ng magkapatid na kapwa paslit nang matagpuan sa nasunog nilang bahay na pinaniniwalaang mula sa nakasinding kandila sa Quezon City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang namatay sa mga alyas na NTEH, 6 anyos, lalaki; at NTLH, 7 anyos, babae kapwa residente sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 10:30 ng gabi nitong Sabado, 29 Agosto, nang sumiklab ang sunog sa isang bahay na nasa kanto ng Don Jose at Samat streets sa Brgy. Sto. Domingo, sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni SFO1 Richard Caramat ng Quezon City Fire District, natutulog ang lolo ng mga bata na si alyas Andy nang magising dahil sa nalanghap na usok.
Nang mapansin na nagliliyab na ang bahagi ng kanilang tahanan ay agad siyang humingi ng tulong habang tumatakbo sa fire exit kaya ligtas na nakalabas.
Ayon kay Caramat, nagmula ang apoy sa silid ng mga batang biktima na nasa ikalawang palapag at hinihinalang sanhi ang naiwang kandila.
Sa kabila nito, ang eksaktong sanhi at pinagmulan ng sunog ay patuloy na iniimbestigahan.
Idineklarang kontrolado ang apoy dakong 1:31 ng madaling araw at tuluyang naapula 3:06 ng madaling araw nitong Linggo, 30 Agosto, sa pamumuno ni Fire Inspector Rodrigo Delo Santos, Ground Commander ng Quezon City Fire Department.
Nadamay sa sunog ang tatlong bahay kung saan walo ang nasugatan at dinala sa Quezon City General Hospital (QCGH) para sa atensiyong medikal.
Dumating sa lugar ang SOCO Team ng QCPD Forensic Unit sa pamumuno ni P/CPT Vimaylene Tacazon para sa pagsusuri sa mga labi ng magkapatid.
Iniulat na matinding pinsala ng pagkasunog ang nakita sa buong katawan ng mga bata. (ALMAR DANGUILAN)
