2 estudyante dedbol, 11 sugatan sa banggaan

PATAY ang dalawang estudyanteng menor de edad habang sugatan ang 11 iba pa nang mawalan ng preno ang isang wing van truck at bumangga sa isang pampasaherong jeepney sa National Highway sa Barangay Concepcion, Batangas City nitong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang dalawang namatay na bitkitma sa alyas na B1 at B2, mga estudyante, residente sa Barangay Simlong, Batangas City.

Sugatan ang mga sakay ng jeepney na sina Paul, 43; Arlene, 54; Michelle, 45; Edna, 58; Aries, 55; Josie, 51; Jeraldine, 53; Engracia, 77; Damiana, 69; Richard, 32; at Dominador, 58, na siyang driver ng jeepney.

Sa paunang imbestigasyon, minamaneho ni Ronnie, 55, ang Isuzu wing van truck at bumibiyahe sa inner lane ng National Highway patungo sa Barangay Mahabang Parang nang mangyari ang insidente dakong 12:52 ng tanghali.

Pagdating sa lugar, sinabing nawalan ng preno ang truck dahilan kaya nawalan ng kontrol si Ronnie sa sasakyan.

Sa ulat ng pulisya, sinubukan ng driver na iwasan ang mga sasakyang nasa unahan na nakahinto upang magbigay-daan sa mga motoristang tumatawid sa kalsada. Umiwas sa kanan ang truck, ngunit tumama ang unahang bahagi nito sa kanang bahagi ng Isuzu jeepney na minamaneho ni Dominador.

Tumatawid noon ang jeepney sa highway at nasa entrance ramp na ng Eternal Gardens nang maganap ang banggaan.