MANILA – Binigyang-pugay ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio ang mga alamat ng palakasan ng bansa sa ginanap na ika-5 Philippine Sports Hall of Fame Enshrinement Ceremony nitong Sabado sa PSC House sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Gregorio na ang isang bansang marunong umalala at magpahalaga sa kanyang mga kampeon ay patuloy na makalilikha ng mga bagong bayani sa larangan ng sports.
“Ang bansang marunong magpahalaga at umalala sa kanyang mga kampeon ay isang bansang patuloy na makalilikha ng mga bagong kampeon,” ani Gregorio.
Ipinunto rin niya na ang bagong inayos na PSC House ay sumisimbolo sa pagbabagong nagaganap sa Philippine sports, tulad ng muling pagbuhay sa Philippine Sports Hall of Fame matapos ang ilang taong natigil.
Ayon kay Gregorio, ang Hall of Fame ay hindi lamang talaan ng mga medalya kundi isang buhay na monumento ng mga kuwento, sakripisyo, at pangarap ng mga atletang nagbigay ng karangalan sa bansa.
Kabilang sa mga pinarangalan ngayong taon sina basketball legend Ramon Fernandez, Olympic silver medalist Mansueto “Onyok” Velasco, track and field star Isidro del Prado, Paralympic medalist Adeline Dumapong, tennis standout Cecil Mamiit, multi-sport athlete Bea Lucero-Lhuillier, at ang yumaong football at basketball star Eduardo “Eddie” Pacheco.
Binigyang-diin ni Gregorio na ang lahat ng mga pinarangalan ay nagmula sa iba’t ibang lalawigan at nagsimula sa grassroots level bago marating ang tagumpay sa pambansa at pandaigdigang entablado.
Kasabay nito, inihayag niya ang patuloy na pagtatatag ng PSC ng mga Regional Training Center sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mailapit ang oportunidad sa mga atletang mula sa mga lalawigan.
Aniya, mahalagang matuklasan at masuportahan ang mga batang atleta sa kanilang sariling komunidad upang mas marami pang susunod sa yapak ng mga alamat ng Philippine sports.
“Ang kinabukasan ay nasa grassroots. Dahil sa inyo, may kumpiyansa nating matutuklasan ang susunod na henerasyon ng mga kampeon,” dagdag ni Gregorio.
Nagpasalamat din siya sa mga atleta, kanilang pamilya, coach, at komunidad na naging bahagi ng kanilang tagumpay, habang tiniyak na magpapatuloy ang PSC sa pangangalaga sa kasaysayan ng sports at pagpapaunlad ng mga pasilidad tulad ng Rizal Memorial Sports Complex.
Tinapos ni Gregorio ang kanyang mensahe sa panawagang ipagpatuloy ang diwa ng pagiging atletang Pilipino at gawing inspirasyon ang pamana ng mga naunang kampeon para sa susunod na henerasyon.
“Mabuhay ang Atletang Pilipino. Mabuhay ang Pilipinas,” pagtatapos ni Gregorio. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com