Tuesday , June 23 2026
Camille Villar

Villar nanawagan
Mas matibay na seguridad, pinalawak na suporta para sa kalusugang pangkaisipan

NAGPAHAYAG si Senator Camille Villar ng matinding kalungkutan at pag-aalala kaugnay ng trahedyang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pa.

Nanawagan ang senadora ng agaran at magkakaugnay na hakbang upang higit na maprotektahan ang mga kabataang Filipino sa loob ng mga paaralan.

“Bilang isang ina at bilang senador, labis akong nasasaktan sa trahedyang ito. Walang magulang ang dapat makatanggap ng balitang ang anak na pumasok sa paaralan upang mag-aral ay hindi na makauuwing buhay. Nakikiisa ako sa panalangin at pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi, sa mga sugatang estudyante, sa kanilang mga kaklase, mga guro, at sa buong komunidad ng Tacloban sa gitna ng napakahirap na panahong ito,” ani Villar.

Binigyang-diin ng pinakabatang senador sa ika-20 Kongreso na ang mga paaralan ay dapat manatiling ligtas na lugar kung saan malayang nakapag-aaral at nangangarap ang mga kabataan nang walang takot sa karahasan.

“Habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon, mahalagang matukoy ang buong katotohanan sa likod ng insidenteng ito. Ngunit kasabay nito, hindi natin maaaring hintayin na may susunod pang trahedya bago tayo kumilos,” dagdag niya.

Nanawagan si Villar sa Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan, mga law enforcement agencies, at mga administrador ng paaralan na muling suriin at palakasin ang umiiral na mga patakaran sa kaligtasan sa paaralan, mga alituntunin laban sa bullying, counseling services, at mga intervention program para sa mga kabataang nangangailangan ng agarang gabay at suporta.

“Kailangan nating palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, komunidad, lokal na pamahalaan, at mga law enforcement agencies. Ang responsibilidad ng pagprotekta sa ating mga anak ay hindi maaaring nakaatang lamang sa iisang institusyon. Nangangailangan ito ng isang whole-of-government at whole-of-community approach,” ani Villar.

Binigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng pagtugon sa lumalaking hamon sa mental health ng mga kabataang Filipino. Aniya, maraming kaso ng matinding emosyonal na suliranin, social pressures, bullying, at iba pang problemang sikolohikal ang hindi agad napapansin hanggang humantong sa mas mabibigat na sitwasyon.

Kaugnay nito, muling itinampok ni Villar ang kanyang Senate Bill No. 1760 na naglalayong magtalaga ng isang Mental Health Officer sa bawat lungsod at munisipalidad upang pangunahan ang pagpapatupad ng mga programang kalusugang pangkaisipan sa komunidad at mapalawak ang access ng mga mamamayan sa mga kinakailangang serbisyo at suporta.

Ayon sa senador, ipinakikita ng insidente sa Tacloban ang pangangailangang muling pag-aralan at palakasin ang umiiral na mga polisiya kaugnay ng school safety, anti-bullying measures, youth intervention programs, at access sa mental health services, gayundin ang pag-aaral ng mga posibleng repormang lehislatibo upang higit na mapatatag ang mga mekanismo para sa proteksiyon ng mga mag-aaral.

“Ang pagkawala ng kahit isang kabataang buhay ay isa nang napakalaking trahedya. Hindi natin maaaring hayaang nakawin ng karahasan ang kinabukasan ng ating mga anak. Bilang mga mambabatas, guro, magulang, at lingkod-bayan, kailangan tayong magkaisa at kumilos nang may agarang layunin. Walang mas mahalaga sa kaligtasan at kinabukasan ng ating mga kabataan,” pagtatapos ni Villar. (NIÑO ACLAN)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Niño Aclan

Check Also

Janeena Chan David Licauco Fabio Ide, Ellen Frojd Teejay Marquez BlueWater Day Spa

Janeena Chan iwas na sa puyat at sobrang trabaho simula nang magka-Bell’s Palsy

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez MAS pinahahalagahan na ngayon ni Janeena Chan ang sarili at kalusugan kaysa trabaho. …

san juan city

Wattah Wattah Festival ng San Juan kasado na

KASADO na ang San Juan City local government unit (LGU) sa lahat ng aktibidad para …

Arrest Shabu

Sa Pasay City
P1-M+ shabu nasamsam sa 3 HVI drug pushers

MAHIGIT P1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam at naaresto ang tatlong high value individuals …

BBM Vladimir Putin

24 Pinoy 9 buwan kulong sa Russia nakauwi na sa bansa

LIGTAS na nakauwi sa Filipinas ang 24 migranteng manggagawa na halos siyam na buwan nakulong …

062226 Hataw Frontpage

Sa Estados Unidos
PINAY PINANANAGOT SA US$1-B PANDURUGAS SA HEALTHCARE INSURANCE

HATAW News Team NAHAHARAP sa multiple federal charges sa Estados Unidos ang isang Filipina nurse …