CAPAS, TARLAC — Lumundag si high jumper Leonard Grospe ng bagong pambansang rekord na 2.23 metro sa kanyang unang pagsubok, tampok sa masiglang gabi ng Biyernes sa ICTSI Philippine Athletic Championships na inihandog ng Philippine Sports Commission sa New Clark City Athletic Stadium.
Mahigit isang buwan matapos itakda ang dati niyang pambansa at personal na marka na 2.22 metro sa NCAA Season 101 trackfest noong Mayo 5 sa parehong venue, muling pinagningning ni Grospe ang kanyang pangalan sa paligsahang suportado ng ICTSI Foundation bilang title sponsor.
Matapos ang rekord na talon, tinaasan pa ng 33rd Thailand Southeast Asia Games bronze medalist ang bar sa 2.25 metro ngunit hindi na niya ito nalampasan. Buong pagmamalaking nanood si coach Sean Guevarra, may hawak noon ng dating pambansang rekord na 2.17 metro sa loob ng 19 na taon bago ito unang mabasag ni Grospe noong 2024 sa talon na 2.20 metro.
Naging makulay din ang gabi nang makumpleto ni Paris Olympian Lauren Hoffman ang golden double sa hurdles matapos manaig sa women’s 100-meter hurdles sa oras na 13.55 segundo. Naiwan sa ikalawang puwesto si reigning 33rd Southeast Asian Games champion Dina Aulia (13.63), habang pangatlo si Army runner Jelly Diane Paragile (14.16) sa paligsahang co-presented ng BCDA at New Clark City.
Muling nabawi ni dalawang beses na SEA Games gold medalist Clinton Kingsley Bautista ng Camiling, Tarlac ang korona sa men’s 110-meter hurdles sa oras na 14.26 segundo, bahagyang tinalo ang batang kakampi na si Tochukwu Okolo (14.43). Pangatlo si Robert Oa ng Papua New Guinea sa 14.51 segundo.
Nakibahagi rin sa sentro ng atensyon ang Fil-Am newcomer na si Gabe Borado matapos gulatin ang matinding kompetisyon na kinabibilangan nina Mico del Prado at Frederick Ramirez sa panalo sa men’s 400-meter hurdles sa 47.05 segundo. Ang anak ni dating Asian 400-meter star at ngayo’y national coach na si Isidro del Prado ay nagtala ng 47.29 segundo para sa silver, habang bronze naman si Francis Patanpatan ng Pinoy Athletics sa 47.79 segundo sa kampeonatong suportado ng CEL Logistics Inc. at UAAGI Auto Group Inc.
Isa pang Fil-Am athlete na si Amanda Javellana ang nagningning madaling-araw ng Sabado matapos magwagi sa women’s hammer throw sa pamamagitan ng 51.12 metrong hagis. Ang 18-anyos na si Javellana, na may ugat sa Bacolod, Negros Oriental bago lumipat sa Estados Unidos, ay kumatawan na rin sa bansa sa nakaraang 33rd Thailand SEA Games kung saan pumanglima siya sa event na ito.
“Sobrang masaya ako kasi eto po yung standard sa last Asian Jumps,” sabi ni Grospe, tumutukoy sa 2.23 metrong panalong talon ni Qatar’s Mutaz Aissa M. Barsham sa torneo sa Chongqing, China noong nakaraang buwan.
Ayon naman kay Guevarra, target nilang maabot ni Grospe ang 2.25 metro ngayong taon dahil nakikita nila sa ensayo na kaya nitong tumalon nang ganoon kataas.
“Actually yung target namin this year is 2.25 kasi nakikita namin sa preparation namin during training na capable siya mag-jump ng ganun kataas,” ani Guevarra.
Dagdag pa ng coach, layunin nilang maabot pa ang 2.30 metro upang mas mapalakas ang explosiveness ng atleta. Umaasa rin silang makapagsanay sa ibang bansa o magkaroon ng masinsinang training camp bilang paghahanda para sa 20th Aichi-Nagoya Asian Games sa Japan sa Setyembre.
Masaya rin si Hoffman matapos muling makuha ang hurdles double na huli niyang nagawa noong 2024 sa Philsports Complex sa Pasig City, kung saan nagtala rin siya noon ng pambansang rekord na 13.38 segundo sa 100-meter hurdles.
“I wanted to go faster but I’ll take it because I don’t practice it (the 100 hurdles) too much. It was fun. I haven’t done the doubles since 2024 so to be able to do the doubles is great,” pahayag ni Hoffman. “I am just thankful for my health to get to this races.”
Natutuwa rin siyang tinalo si Aulia, na nagtala ng 13.21 segundo sa pagkuha ng ginto sa Bangkok noong Disyembre. Target ni Hoffman na makumpleto ang hat trick ng ginto bilang bahagi ng national team sa women’s 4×100-meter relay finals na nakatakda noong Sabado ng gabi. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com