Wednesday , June 10 2026

Pagkalunod sa Aurora kinukuwestiyon ng ina
2 ATENEO STUDENT-ATHLETES PATAY SA TEAM BLDG ACTIVITY

061026 Hataw Frontpage

HATAW News Team

DALAWANG mahuhusay na basketbolista ng Ateneo de Manila University (AdMU) Men’s Basketball Team, isang Pinoy at isang Nigerian national ang nalunod sa isinasagawang team building activity sa Dipaculao, Aurora nitong Lunes, 8 Hunyo.

Kinilala ang mga biktima na sina Rene Clert Baterbonia, 19 anyos, mula sa Davao; at Divine Adili, 21 anyos, Nigerian national; kapuwa student athletes ng Ateneo de Manila University Men’s Basketball Team.

                Sa report ni Aurora Acting Provincial Police Office (PPO) Director P/Col. Percival Pineda, dakong 2:40 ng hapon nitong Lunes nang tangayin ng malakas na alon sa gitna ng kanilang team building activity ang dalawang nasabing atleta sa isang beach resort sa Dipaculao, Aurora.

Nabatid na naglalakad ang dalawang atleta sa tabing dagat na hanggang hita nila ang lalim pero bigla silang napunta sa mas malalim na parte kung saan kapwa sila tinangay ng malalakas na alon.

Sinabing sinaklolohan sila ng lifeguard ng resort at ilang kasamahan pero idineklara nang dead on arrival sa ospital.

Kaugnay nito ay nagpahayag ng pakikiramay ang Police Regional Office 3 (PRO 3) sa mga pamilya ng mga biktima.

Ayon kay PBGen. Jess B. Mendez, Regional Director ng PRO 3, patuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang lahat ng detalye at pangyayari kaugnay ng insidente.

                Hinimok ng PRO 3 ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga haka-haka habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at pinaalalahanan ang mga beachgoer at turista na maging maingat sa mga aktibidad sa tubig, lalo na sa mga lugar na may malalakas na alon at agos.

Patuloy na nagdadalamhati ang komunidad ng Ateneo sa pagkawala nina Rene at Divine, na inilarawang mahuhusay at dedikadong atleta na nagbigay ng karangalan sa kanilang paaralan at mga koponan. (May kasamang ulat ni MICKA BAUTISTA)

HINAGPIS NG INA

LABIS ang hinagpis ng ina ni Rene Clert Bater­bonia, isa sa dalawang atleta ng Ateneo na nalunod at namatay habang nasa gitna ng kanilang team building activity sa Baler, Aurora nitong Lunes.

Sa ulat, mariing kinondena ni Ginang Rovelyn Baterbonia ang pangyayari na nagsabing may ‘foul play’ sa insidente dahil sa mga nakitang pasa sa katawan ng anak na sinabi sa kanya nang pinapunta niyang kaanak.

“… Ba’t gano’n ang nangyari? Bigla na lang nag-text ang anak ko sabi niya, ‘Ma one week siguro wala ako cellphone, kasi may training kami sa Baler’,” tapos sabi niya ‘di puwede raw mag-cellphone, sabi ko sige ‘nak,” bahagi ng pahayag ni Rovelyn.

Aniya, mistulang military training ang pinagdaanan ng anak at kinuwestiyon kung bakit napunta sa dagat.

“Gusto ko ng justice talaga, kung anong nangyari, bakit ganoon ang nangyari sa anak ko? Alam naman nila na mabigat ang inilagay nila sa paa and then sa kamay, tapos pinaano pa nila sa dagat, ‘di ba sila naawa… tapos andami nila. Ba’t naman pumunta sila doon na walang rescue, walang medic,” hinagpis pa ng ginang.

Bunsod nito, naglunsad ng malalimang imbestigasyon ang Police Region Office 3 (PRO 3) sa nangyaring pagkalunod nina Baterbonia at kapwa Ateneo athlete na si Divine Adili, 21. Si Adili ay isa sa pambato ng basketball team ng unibersidad habang si Baterbonia ay magde-debut na sa UAAP Season 89 sa huling bahagi ng taong ito.

Gayonpaman, sinabi ng Aurora Police, wala silang nakikitang “foul play” sa insidente at sinabing “pure accident” ang nangyari sa dalawang atleta. (HNT)

PAG-ASA NG PAMILYA

COACH, hindi muna ako babalik sa Davao ng mga limang taon kasi gusto ko munang yumaman at iahon ang aking pamilya sa kahirapan.”

Ito ang huling pahayag ni Rene Clert Baterbonia, isang manlalaro ng Ateneo Blue Eagles bago siya lumuwas ng Maynila noong 4 Hunyo 2026.

 Nag-iwan siya pangako na iaahon ang kanyang pamilya mula sa kahirapan sa pamamagitan ng basketball.

Ngunit isa na itong pangarap na hindi na matutupad matapos ang trahedya sa team building activity sa Dipaculao, Aurora nitong Lunes 8 Hunyo.

 Bago lumipad mula Mindanao patungong Maynila noong 4 Hunyo, ibinahagi ni Rene sa kanyang coach na hindi muna siya babalik ng limang taon dahil nais niyang magtagumpay at bigyan ng mas magandang buhay ang kanyang pamilya. 

Produkto si Rene ng Ateneo de Davao at Talacogon National High School, at nakilala bilang isa sa pinakamahuhusay na batang basketbolista matapos manguna sa Davao Region sa pagkakamit ng gintong medalya sa Palarong Pambansa 2025 at tanghaling Most Valuable Player (MVP).

Ngayong 2026, muli niyang dinala ang kanyang rehiyon sa finals ng Palarong Pambansa, na nagbigay ng karangalan sa buong Mindanao. (HNT)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About hataw tabloid

Check Also

DPWH Bulacan

Sa maanomalyang flood control projects  
2 Bulacan DPWH Officials sumuko kalaboso na kasama ni Discaya

ni MICKA BAUTISTA DALAWA pang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan …

MMDA Gabriel Go

MMDA pinalalakas ang clearing operations sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila

TINALAKAY ni MMDA Special Operations Group (SOG) Chief Gabriel Go ang patuloy na pagpapatupad ng …

arrest, posas, fingerprints

5 ‘Gen Z boys’ timbog sa pangmomolestiya ng Columbian tourist

LIMANG kalalakihan ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa pangmomolestiya sa isang turistang Colombian national, …

TNVS driver binaril ng pasahero

TNVS driver hinoldap, binoga ng pasahero 

BIGONG makauwi sa kanyang pamilya ang isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver nang holdapin …

P7-M smuggled carrot noodles DA BOC

P7-M smuggled carrot sa noodles, nasamsam ng DA at BOC

HINDI nakalusot sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BoC) ang tangkang pagpuslit …