OPISYAL nang kinoronahang kampeon ang Nagasaki Velca matapos nilang agawin ang titulo sa Resona Group B.League 2025–26 Finals na ginanap sa Yokohama Arena.
Ito ang kauna-unahang kampeonato sa kasaysayan ng koponan matapos pabagsakin ang Ryukyu Golden Kings sa matinding best-of-three championship series.
Tinanghal namang Finals MVP si Hyunjung Lee matapos ang kanyang impresibong kampanya para sa Velca, habang naiuwi naman ni Yudai Baba ang finals award dahil sa kanyang namumukod-tanging performance sa serye.
Ayon kay head coach Mody Maor, puso ng koponan ang naging susi sa kanilang tagumpay.
“Napakalaki ng puso ng team na ito. Kumpleto kami sa talento, karakter, at suporta ng fans. Nagkaroon kami ng isa sa pinakamalakas na opensa sa kasaysayan ng B.League, pero ipinakita rin namin ang depensa laban sa isang team tulad ng Ryukyu,” ani Maor.
Nagpasalamat din si Lee sa kanyang mga kakampi matapos maiuwi ang MVP honors.
“Hindi ko ito magagawa nang mag-isa. Malaki ang tiwala ng mga kakampi ko sa akin at sila ang dahilan kung bakit naging matagumpay ako. Team award ito para sa amin,” pahayag ni Lee.
Samantala, emosyonal naman si Baba matapos ialay ang kampeonato kay retiring veteran Masaya Karimata.
“Inialay ko ang season na ito kay Karimata. Napakasarap sa pakiramdam na makasama siya sa pag-abot ng kampeonato,” ani Baba.
Resulta ng finals series:
Game 1: Nagasaki Velca 69 – 71 Ryukyu Golden Kings
Game 2: Nagasaki Velca 66 – 60 Ryukyu Golden Kings
Game 3: Nagasaki Velca 72 – 64 Ryukyu Golden Kings
Sa huli, napatunayan ng Velca na kaya nilang umangat sa pinakamalaking entablado at tuluyang maiuwi ang kanilang pinakaunang korona sa B.LEAGUE. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com