NAGKAISA ang Philippine Sports Commission (PSC) at ang Lungsod ng Maynila sa kanilang iisang pananaw para sa muling pagpapaunlad ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC), na layong gawing world-class ang makasaysayang lugar bilang sentro ng sports, pamana, at pampublikong pakikilahok bilang paghahanda sa pagho-host ng Filipinas sa 2027 Southeast Asian Plus Youth Games.
Nagpahayag ng matibay na suporta sina PSC Chairman Patrick “Pato” Gregorio at Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso matapos silang magpulong kamakailan sa Manila City Hall upang talakayin ang mahahalagang bahagi ng planong redevelopment. Kabilang dito ang pagtatayo ng PSC Plaza, konstruksiyon ng elevated walkway sa kahabaan ng Adriatico Street, at paglalagay ng bagong monumento ni Dr. Jose Rizal.
“Ito ay isang makasaysayang yugto para sa sports at pamana ng Filipinas. Ang Rizal Memorial Sports Complex ay buhay na simbolo ng ating pamana sa larangan ng palakasan,” ani Gregorio.
“Sa suporta ng Lungsod ng Maynila, nagsisikap tayong matiyak na ang makasaysayang distritong ito ay maipagmamalaki sa pandaigdigang entablado habang patuloy na nagsisilbi sa sambayanang Filipino sa mga susunod pang henerasyon,” dagdag niya.
Ipinahayag ni Domagoso ang suporta ng pamahalaang lungsod sa proyekto at binigyang-diin ang hangarin ng Maynila na mapanatili ang balanse sa pagitan ng pangangalaga sa pamana at makabagong urban development.
“Ikinararangal ng Maynila na makatrabaho ang PSC sa mahalagang proyektong ito. Higit ito sa impraestruktura. Ito ay tungkol sa dangal, identidad, at paghahanda sa ating kabisera upang salubungin ang mga bisita sa 2027,” ani Domagoso.
Sa pulong, tinalakay ng dalawang panig ang planong gawing walkable public pathway ang dalawang lane ng Adriatico Street bilang bahagi ng PSC Plaza, na sasailalim sa kinakailangang mga ordinansa, legal na kasunduan, at mga pag-aproba mula sa mga kinauukulang ahensiya.
Napag-usapan din ang plano para sa elevated walkway at iba pang kaugnay na development na inaasahang pagtutulungan ng PSC, Lungsod ng Maynila, at SM Prime Holdings, kabilang ang hiwalay na mga kasunduan para sa mga lugar na nasa labas ng pagmamay-ari ng PSC.
Tinalakay rin ang posibleng paglilipat sa estatwa ni Pablo Ocampo upang bigyang-daan ang planong Dr. Jose Rizal fencing monument, na kailangan pang aprobahan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).
“Ang partnership na ito ay tungkol sa kahandaan at pananaw. Hindi lamang natin ina-upgrade ang mga pasilidad, itinataas din natin ang antas ng Maynila bilang sports tourism capital at tinitiyak na mararanasan ng ating mga atleta, tagasuporta, at bisita ang pinakamahusay,” pahayag ni Gregorio.
Matapos ang pulong, nagkasundo ang PSC at ang Lungsod ng Maynila na ipagpatuloy ang malapit na koordinasyon at pormal na tapusin ang kinakailangang legal at teknikal na mga kasunduan upang maisulong ang redevelopment alinsunod sa mga pamantayan ng heritage preservation at pandaigdigang rekisito para sa 2027 SEA Plus Youth Games.
“Ito ang pamana ng Maynila. Sa pagsuporta sa iisang pananaw na ito, tumutulong tayong bumuo ng mga daan—literal at simboliko—na mag-uugnay sa ating kasaysayan at kinabukasan,” ani Domagoso. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com