CAMP BGEN VICENTE P. LIM — Mahigit P1.39 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga kagawad ng Police Regional Office CALABARZON sa magkakahiwalay na buybust operations sa Cavite at Quezon na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong drug suspects, kabilang ang dalawang high value individuals (HVI) at isang Street Level Individual (SLI) sa 24-oras operasyon nitong Martes, 19 Mayo 2026
Sa operasyon ng Dasmariñas City, Cavite, matagumpay na naisagawa ang buybust operation ng Drug Enforcement Unit ng Dasmariñas Component City Police Station dakong 4:50 ng hapon noong sa Brgy. Paliparan 3.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Charmaine, 39 anyos, isang HVI; at alyas Maria, 35, iniulat na SLI.
Nakuha mula sa mga suspek ang 10 heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, may kabuuang timbang na 65 gramo, tinatayang nasa P442,000 standard drug price (SDP). Narekober din ang isang sling bag, digital weighing scale, at buybust money.
Ang Isinagawang operasyon ay may koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ilalim ng Control Number 4-00-05192026-028.
Habang isang HVI ang naaresto ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit sa isinagawang buybust operation dakong 2:57 ng madaling araw noong 20 Mayo 2026 sa Brgy. Marketview, Lucena City, Quezon.
Kinilala ang suspek na si alyas Mario, 51 anyos. Nakompiska mula sa kanya ang isang knot-tied transparent plastic bag at siyam na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, may kabuuang timbang na 140 gramo at may standard drug price na P952,000.
Narekober din sa operasyon ang buybust money, personal cash, at isang black belt bag.
Ayon kay Regional Director PBGen. Hansel Marantan, ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa mas pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) at sa focused agenda ni Chief PNP PGen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., laban sa ilegal na droga.
“Hindi titigil ang PRO CALABARZON sa aming agresibong kampanya laban sa ilegal na droga. Patuloy naming paiigtingin ang operasyon upang mapanagot ang mga sangkot at matiyak na mararamdaman nila ang buong bigat ng batas,” sabi ni PBGen. Marantan.
Sa kasalukuyan, ang mga suspek at ang mga nakompiskang ebidensiya ay nasa kustodiya ng mga kaukulang operating unit at forensic laboratories para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RODERICK PALATINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com