ISANG 65-anyos barangay health worker at 5-anyos apong babae ang hindi nakaligtas sa kamatayan nang malunod sa rumaragasang baha habang tumatawid sa ilog sa Brgy. San Agustin, Digos City, Davao del Sur, iniulat ulat kahapon.
Sa report ng Digos City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), kinilala ang namatay na maglola na sina Teresita Juban at Melanie Juban; pawang naninirahan sa Brgy. San Agustin ng lungsod.
Sa imbestigasyon, tumatawid ang maglola sa ilog pauwi sa kanilang tahanan noong Lunes nang tangayin ng bahang rumagasa sa nasabing ilog.
Sinisi ang pagbaha sa lugar sa malalakas na pagbuhos ng ulan nitong mga nakalipas na araw.
Dakong 6:00 ng gabi nitong Lunes, 18 Mayo, matapos ang insidente, natanggap ng CDRRMO ang ulat kaya agad nagpadala ng search and rescue personnel sa lugar pero nahinto ito pansamantala dahil sa hindi magandang lagay ng panahon dulot ng malalakas na pag-ulan.
Nitong Martes, 19 Mayo, narekober ng search and rescue team ang bangkay ng lola sa bahagi ng Brgy. Balutakay sa Hagonoy habang ang bangkay ng apo ay natagpuan sa isang sapa sa Brgy. Tiguman, Digos City.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com