PATAY ang isang 62-anyos senior citizen dahil sa karumal-dumal na pambubugbog ng anim na kabataang nagsabing problemado lang sila sa buhay sa Brgy. Kaingin, Bongabon, Nueva Ecija nitong Linggo, 17 Mayo.
Ayon sa pamilya ng biktima na kinilalang si Ismael Manalang, pinagpapalo ng solidong kahoy sa ulo ang matandang lalaki sa mismong harap ng bahay nila, hanggang mawalan ng malay.
Napag-alaman na kahit wala nang buhay ang biktima ay nagpatuloy ang pananakit at paghambalos ng kahoy ng mga suspek.
Matindi ang dalamahati at galit ng pamilya ng biktima dahil sa arumal-dumal na pagpatay sa kanilang kaanak.
Nakunan ang pangyayari ng CCTV camera kaya ito ang nagsisilbing mahalagang ebidensiya sa imbestigasyon laban sa mga suspek.
Matapos ang insidente, nagtago ang mga suspek ngunit kalaunan ay nadakip din at ngayon ay nasa kustodiya na ng Bongabon MPS habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nabatid na napagtripan ng mga kabataang suspek ang biktima dahil umano sa problemang kanilang pinagdaraanan kaya nagawa ang karumal-dumal na krimen.
Ayon sa pamilya ng biktima, mga kabarangay nila ang mga suspek dahilan upang mas lalo nilang maramdaman ang sakit at pagkabigla sa nangyari.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at inaasahang magsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com