HINDI naisalba ang buhay ng dalawang inibiduwal, habang nanatili sa ospital ang anim na sugatan nang banggain ng isang trailer truck ang nakaparadang pampasaherong bus na naka-stopover sa isang kainan sa Maharlika Highway, Brgy. Tayabo, San Jose City, Nueva Ecija nitong Sabado ng tanghali, 16 Mayo.
Kinilala ni San Jose City Police Station (CPS) chief P/Lt. Col. Gerald Fernandez ang mga namatay na biktimang sina Jetro Lapuz, 32 anyos, residente sa naturang barangay at may-ari ng tindahan; at si Jaira Bagauisan, 14 anyos, residente sa Brgy. Bitabian, San Mariano, Isabela, isa sa mga pasahero ng bus.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nag-stopover ang isang Dalin Bus Liner na minamaneho ni Anthony Ramos, 44 anyos, residente sa Naguilian, Isabela, upang makakain ang mga pasahero sa Marzen’s Kambingan nang mawalan ng kontrol ang isang Howo trailer truck na minamaneho ni Felipe Lustre, 43 anyos, residente sa Brgy. Julo, San Antonio, Nueva Ecija.
Dahil dito, nasoro ng trailer truck na lumagpas sa linya ng kalsada ang bus.
Sa lakas ng impact, tumagilid at bumaligtad ang dalawang sasakyan na sumadsad sa restaurant at bahay kung saan naroon ang mga biktima.
Kasalukuyang nasa ospital ang anim na sugatang pasahero upang malapatan ng karampatang lunas.
Ayon kay Fernandez, patuloy nilang iniimbestigahan kung nakainom o nakatulog ang driver ng trailer truck bago nangyari ang insidente.
Samantala, inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in double homicide, multiple physical injuries, at damage to property laban sa driver ng trailer truck. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com