AGARANG naaresto ng mga operatiba ng Norzagaray Municipal Police Station (MPS) ang isa sa dalawang suspek sa pagpaslang sa isang tricycle driver sa Brgy. Poblacion, bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay P/Maj. Demosthenes Desiderio, Jr., OIC ng Norzagaray MPS, kinilala ang biktima na isang 54-anyos tricycle driver, residente sa Sitio Tabtab, sa nabanggit na barangay.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong 12:40 ng hapon nitong Linggo, 17 Mayo sa kahabaan ng A. Lawang St., Brgy. Poblacion, kung saan binaril at tinamaan ng bala sa noo ang biktima na naging sanhi ng kaniyang agarang kamatayan.
Sa pamamagitan ng masusing backtracking at pagsusuri sa CCTV footages sa paligid ng pinangyarihan ng insidente, natukoy ng mga pulis ang rutang dinaanan ng mga suspek bago at matapos ang pamamaril.
Lumabas sa imbestigasyon na ang mga suspek ay sakay ng isang kulay itim na Yamaha Aerox motorcycle at ang driver ay nakasuot ng itim na sombrero, puting hoodie jacket, at kayumangging shorts habang ang back rider ay nakasuot ng puting sombrero, puting long sleeves, at khaki shorts.
Bilang bahagi ng follow-up investigation, nagsagawa ng joint hot pursuit operation ang mga intel operatives ng Norzagaray MPS katuwang ang mga tauhan ng PIU Bulacan PPO, 1st PMFC, 2nd PMFC, PIT Bulacan East, at RIU3 sa Sitio Pugpog dakong 6:00 ng hapon nitong Lunes, 18 Mayo.
Nagresulta ito sa pagkakadakip ng isa sa mga suspek na kinilalang isang 54-anyos lalaking residente sa naturang lugar.
Samantala, patuloy na nagsasagawa ng pagtugis ang mga awtoridad para sa agarang pagkakaaresto sa isa pang suspek.
Gayundin, humiling ang Norzagaray MPS sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa pagsasagawa ng paraffin examination sa naarestong suspek at sa Regional Crime Scene Unit 3 para sa initial firearms records verification bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com