ni MICKA BAUTISTA
HINDI na nakauwi sa kanyang pamilya ang isang delivery rider matapos pagsasaksakin at pagbabarilin ng dalawang lalaking tigasin sa Brgy. Turo, Bocaue, Bulacan kahapon, 19 Mayo.
Agad naaresto ng mga operatiba ng Bocaue Municipal Police Station (MPS) ang dalawang suspek sa isinagawang follow-up operation matapos ang insidente.
Batay sa ulat ni PLt. Colonel Gilbert Diaz, hepe ng Bocaue MPS, kinilala ang biktima na isang 40-anyos delivery rider, residente sa Binang 1st, Bocaue, Bulacan.
Sa isinagawang paunang imbestigasyon, lumabas sa salaysay ng testigo na habang naghahatid ng parcel ang biktima sa V. Mauricio Ext. 1, Brgy. Turo bandang 5:30 ng hapon ay bigla itong sinaksak sa likod ng unang suspek.
Tinangka pang tumakbo ng biktima ngunit muli itong sinaksak ng suspek dahilan upang bumagsak sa kalsada.
Habang nakahandusay, bumunot ng baril ang ikalawang suspek at pinaputukan nang limang beses ang biktima.
Idineklarang dead on the spot ang biktima habang agad tumakas ang mga suspek patungong silangang bahagi ng lugar.
Nagsagawa ng agarang follow-up operation ang mga tauhan ng Bocaue MPS na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa dalawang suspek na hindi pa nakalalayo sa pinangyarihan ng insidente.
Nakuha sa mga suspek ang isang caliber 9mm pistol Parabellum Made in Hungary FEG-Budapest na may serial number 111264, apat na bala, dalawang magazine ng 9mm, limang fired cartridge, at isang kutsilyo.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com