NADAKIP sa lalawigan ng Pampanga ang isang lalaking suspek sa pagpatay sa dalawang indibiduwal sa Dasmariñas, Cavite matapos magtago sa mga awtoridad sa loob ng limang taon.
Natunton at naaresto ang 20-anyos na suspek sa lungsod ng Angeles, sa nabanggit na lalawigan, ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division ng PRO4-A.
Nabatid sa ulat, nang magpositibong naroon ang suspek, pinaligiran ng mga operatiba ang isang bahay bago tuluyang nahuli ang suspek na pinaniniwalaang isang pusakal na hitman.
Sa naging pahayag ng mga awtoridad, sangkot ang suspek sa pamamaril sa dalawang biktima – isa sa kanila ay isang 6-anyos bata.
Batay sa imbestigasyon, ang dalawang biktima ay pinaghihinalaan ng suspek na impormante ng mga awtoridad kaya tinarget upang hindi matukoy ang kaugnayan niya sa ilegal na droga.
Samantala, naging emosyonal ang ina ng biktimang menor de edad nang komprontahin ang suspek matapos maaresto sa operasyon.
Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek habang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga kaso laban sa kaniya. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com