NANATILING mailap ang medalya para sa mga Pinoy bet kahapon matapos matalo sina Ysabella Arwen Varias at Carl Caruana sa kani-kanilang laban para sa bronze medal sa Karate One-Youth League na iniharap ng Philippine Sports Commission sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kapwa umabot sa repechage round, si Varias—na nakapagtala ng upset laban kay WKF-1 Mariaa Sereda, 1-0, sa kanyang unang laban—ay kinabahan laban kay Momanu Alexandra ng Romania at natalo, 0-4, sa cadet kumite female -61-kilogram division sa laban para sa bronze.
Bagama’t maliit ang pangangatawan ngunit malaki ang puso, tumanggap naman si Caruana ng 1-9 pagkatalo laban kay WKF-1 Levon Shaishian, na nagwagi ng bronze medal sa junior kumite male +76 class ng torneo na suportado ng SM Group of Companies at Lanson’s Place.
Gayunman, sila pa rin ang pinakamahusay na performers ng bansa matapos ang tatlong araw ng kompetisyon sa torneo na aprubado ng World Karate Federation, inorganisa ng Karate Pilipinas Sports Federation, Inc., at suportado rin ng Philippine Olympic Committee.
“Nakaka-overwhelm po na makasali dito sa tournament kasi lahat ng kalaban magagaling,” ani Varias, na kinailangang dumaan sa apat na laban mula preliminaries bago makarating sa bronze medal play sa repechage.
“Medyo kinabahan po ako sa laban sa bronze at hindi ko nagawa yung dapat kong gawin katulad ng sa first match against the Russian laban sa Romanian,” dagdag ng 15-anyos na incoming Grade 10 student ng Paco Catholic School.
“Maaaring nagamit ni Ysabella ang kaba niya laban sa Romanian pero naging matigas at alanganin siya sa galaw. Pero matututo ang batang ito mula sa karanasang iyon at mas gagaling pa sa hinaharap,” sabi ni Oliver Manalac, coach ng karateka.
Ibinunyag din niya na dahil sumabak din ang kanyang atleta sa kata (forms), “maaaring medyo nanigas siya sa simula ng kanyang mga laban dahil magkaibang muscle groups ang ginagamit sa dalawang disiplina ng karate.”
“Mataas talaga yung kalaban kaya mahirap tamaan. Pero proud ako na nakarating ako rito,” ani ng 17-anyos na si Caruana, na nag-fundraising pa ang mga magulang upang makasali siya sa torneo.
“Kaya dini-dedicate ko itong laban ko dito sa mga magulang na nangutang para makarating ako dito sa Manila sa pamamagitan ng barko. I owe this achievement to them,” dagdag niya. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com