PORMAL nang inilunsad ang 2nd edition ng World Slasher Cup (WSC) 2026 na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City mula Mayo 19 hanggang 25.
Mahigit 275 entries mula sa iba’t ibang lokal at internasyonal na breeders ang nakatakdang maglaban-laban para sa prestihiyosong kampeonato sa isa sa pinakamalaking torneo ng sabong sa mundo.
Ginanap ang press conference noong Mayo 16 sa Monet 3 Ballroom ng Novotel Manila Araneta City, kung saan dumalo ang mga breeders, media personalities at panauhin para sa opisyal na paglulunsad ng torneo.
Ayon kay Irene L. Jose, chief operating officer ng Uniprom Inc., na nangangasiwa sa Smart Araneta Coliseum, inaasahan nila ang matinding partisipasyon sa torneo dahil nananatili itong nakaugat sa tradisyon at integridad ng sport.
Muling babalik ang torneo sa Big Dome matapos ang matagumpay na pagdaraos ng 9-cock invitational derby noong Enero 26 hanggang Pebrero 1 ngayong taon.
Kabilang sa tampok na personalidad sa torneo sina Mike Formosa ng Hawaii at mga kilalang Filipino cockfighting legends na sina Patrick Antonio, Ed Apari at Biboy Enriquez.
Susundin ng WSC ang tradisyunal nitong anim na araw na format. Gaganapin ang elimination rounds sa Mayo 19 at 20, semifinals sa Mayo 21 at 22, habang ang final qualifying bouts ay sa Mayo 24. Itatakda naman sa Mayo 25 ang kampeonato upang malaman ang overall champion.
Kilala bilang “Olympics of Cockfighting,” ang World Slasher Cup ay isa sa pinakamatagal at pinakasikat na derby competitions sa larangan ng sabong. Unang inilunsad ito noong 1963 sa makasaysayang Big Dome.
Sa unang edisyon ng WSC 2026 ngayong taon, nagsalo sa kampeonato ang entries nina Rod Advincula/Tata Rey Briones/Tony Kho, Don Guam/Nad Mendoza, Jonarie Fortaleza/Robert Santiago, at Biboy Enriquez matapos magtala ng magkakaparehong 8-1 win-loss records.
Samantala, nakapagtala rin ng walong puntos sa pre-finals ang tambalan nina Pep Goitia at Alvin Aranez.
Para sa iba pang detalye tungkol sa torneo, maaaring bisitahin ang opisyal na website ng World Slasher Cup o ang kanilang Facebook page. (Araneta City PR/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com